Daughters of Saint Paul

Abril 13, 2018 Biyernes Sa Ika-2 Linggo Ng Pasko Ng Pagkabuhay

JUAN 6:1-15

Nagpunta si Jesus sa iba pang aplaya ng lawa ng Galilea sa may Tiberias. Sinusundan siya ng maraming tao sapagkat nasaksihan nila ang mga tandang ginawa niya sa mga maysakit. Umahon si Jesus sa bundok at naupo siya roon kasama ang kanyang mga alagad niya; malapit na ang Paskuwa na piyesta ng mga Judio. Kaya pagkatingala ni Jesus, nakita niyang marami ang taong pumupunta sa kanya, at sinabi niya kay Felipe: “Saan kayo makabibili ng tinapay upang makakain ang mga ito? Sinabi niya ito bilang pagsubok sa kanya, sapagkat alam na niya kung ano ang gagawin nito. Sumagot sa kanya si Felipe: “Dalawandaang denaryong tinapay ay hindi sapat sa kanila upang makatanggap ng tigkakaunti ang bawat isa.” At sinabi naman sa kanya ng isa sa mga alagad na si Andres na kapatid ni Simon Pedro: “May bata rito na may limang tinapay na sebada at dalawang isda. Ano ito para sa pagkarami-raming tao?” Madamo sa lugar na iyon at sinabi ni Jesus: “Paupuin ninyo ang mga tao.” Kaya nag-upuan sila; halos limanlibong katao. Kaya kumuha ng mga tinapay si Jesus at nagpasalamat, at ipinabigay sa mga nakaupo. Gayundin ang ginawa niya sa mga isda, gaano man ang gustuhin nila. Nang mabusog na sila, sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Tipunin n’yo ang mga natirang piraso upang walang masayang.” Kaya tinipon nila ang mga tira at labindalawang basket ang napuno ng mga pira-piraso mula sa limang tinapay na sebada. Nang makita ng mga tao ang tandang ginawa ni Jesus, sinabi nila: “Ito ngang talaga ang Propeta na hinihintay na dumating sa mundo.” At alam ni Jesus na siguradong darating sila upang kunin siya at gawing hari; kaya muli siyang umalis, at mag-isang nagpunta sa bulubundukin.

PAGNINILAY:

Napakaganda ng tagpong narinig natin sa Ebanghelyo.  Ang tila imposibleng mangyari, naging posible dahil sa pagiging bukaspalad ng isang bata na nagbahagi ng kanyang baon na limang tinapay at dalawang isda.  Dahil sa kagandahang loob ng bata, naganap ang himala.  Ginamit siya ng Panginoon upang maging daluyan ng Kanyang biyaya at pagpapala para sa nakararami.  Sa kalagayan natin ngayon na mahirap ang buhay at di mapigilan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, tila imposible nang tumulong sa kapwa.  Marahil iniisip ng ilan sa atin, paano pa tayo makapagbabahagi kung mismong sa pamilya natin kulang pa ang ating kinikita?  Kapatid, kung may pananalig ka sa kabutihang loob ng Diyos na Siyang pinanggagalingan ng lahat nang meron tayo; kung nagtitiwala ka na hindi ka Niya pababayaan at maaari ka Niyang gamitin katulad ng bata sa Ebanghelyo ngayon – hindi mo sasabihing imposible ang tumulong sa kapwa.  Dahil mismong ang Diyos ang kikilos sa pamamagitan mo.  Alalahanin natin, “God loves a cheerful giver.” Hindi lingid sa Kanya ang bawat pagtulong natin sa kapwa. At tiyak na pagpapalain Niya ang bawat pagtulong at kabutihang nagawa natin sa kapwa.