EBANGHELYO:Mateo 28:8-15
Agad na iniwan ng mga babae ang libingan na natatakot at labis na nagagalak, at tumakbo sila para balitaan ang kanyang mga alagad. Nakasalubong nila sa daan si Jesus at sinabi niya: “Kapayapaan.” Paglapit sa kanya ng mga babae, niyakap nila ang kanyang mga paa at sinamba siya. Sinabi naman ni Jesus sa kanila: “Huwag kayong matakot. Humayo kayo at sabihin sa aking mga kapatid na pumunta sila sa Galilea; doon nila ako makikita.” Samantalang pabalik ang mga babae, nagbalik naman sa lunsod ang ilang mga bantay at ibinalita sa mga Punong-pari ang lahat ng nangyari. Nakipag-usap naman ang mga ito sa mga Matatanda ng bayan kaya kumuha sila ng sapat na halaga at ibinigay sa mga sundalo, at tinagubilinan silang “Sabihin ninyong dumating nang gabi ang kanyang mga alagad at ninakaw ang katawan habang natutulog kayo. Kung mabalitaan ito ng gobernador, kami ang bahala sa kanya at hindi kayo magkakaproblema.” Tinanggap ng mga sundalo ang pera at ginawa ang itinuro sa kanila; at laganap pa hanggang ngayon ang kuwentong ito sa mga Judio.
PAGNINILAY:
Isinulat ni Bro. Haileth Gem Joseph Enarsao ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Nagpakita si Hesus sa kanyang mga alagad matapos ang kanyang Muling Pagkabuhay. Iisa ang kanilang naging reaksyon. Magkahalong takot at tuwa ang kanilang nadama. Takot dahil nasaksihan nila at naramdaman ang Kadakilaan ng Maykapal. Tuwa dahil para sa kanilang mga nananampalataya, nagdala ito ng panibagong pag asa./ Sa panahon natin ngayon na mas madalas ikubli ang “katotohanan” paano ba natin ito hinaharap? Tayo ba’y may galak at tuwang ipamalita at ipamahagi ang katotohanan? O katulad tayo ng mga punong saserdote na handang pagtakpan ang katotohanan para sa pansariling kapakanan? O ng mga sundalong nagbulag-bulagan at nagpadala sa suhol./ Mga kapatid, ito ang hamon sa atin ngayon: Handa ba tayong harapin ang katotohan ng may galak? Kaya ba nating maging saksi ng may lakas-loob sa Panignoong Hesus na Muling nabuhay? “Huwag kayong Matakot” yan ang wika ni Hesus. Hayaan nating tuwa ang manaig sa ating puso, hayagan nating ipamalitang si Hesus ay Muling nabuhay! Dahil kung tunay at tapat tayo sa katotohanang hatid ng Panginoong Hesus, tanaw na natin ang ating kaligtasan!