Mapagpalang araw ng Miyerkules Santo mga kapatid kay Kristo! Dakilain natin ang Diyos ng Pag-ibig! Maririnig natin sa Mabuting Balita kung paano ipinagkanulo ni Judas Escariote si Jesus, sa halagang tatlumpung baryang pilak lamang. Ito po ang inyong kapanalig, Sr. Amelyne Paglinawan ng Daughters of St. Paul. Muling nagaanyaya sa inyo sa pagninilay ng Mabuting Balita ngayon.
Ebanghelyo: Mateo 26: 14-25
Pumunta sa mga Punong-pari ang isa sa Labindalawa, ang tinatawag na Judas Iskariote, at sinabi: “Magkano ang ibibigay ninyo sa akin kung ibibigay ko siya sa inyo? Inalok nila ito ng tatlumpung baryang pilak, at mula noon, naghanap ito ng pagkakataong maipagkanulo siya. Sa unang araw ng Piyesta ng Tinapay na Walang Lebadura, lumapit kay Jesus ang mga alagad at sinabi sa kanya: “Saan mo kami gustong maghanda ng Hapunang Pampaskuwa para sa iyo?” Sumagot si Jesus: “Puntahan ninyo ang lalaking ito sa lunsod at sabihin sa kanya: ‘Sinabi ng Guro: malapit na ang oras ko at sa bahay mo ako magdiriwang ng Paskuwa kasama ng aking mga alagad.’” At ginawa ng mga alagad ang lahat ng iniutos ni Jesus at inihanda ang Paskuwa. Pagkalubog ng araw, nasa hapag si Jesus kasama ng Labindalawa. Habang kumakain sila, sinabi ni Jesus: “Talagang sinasabi ko sa inyo: ipagkakanulo ako ng isa sa inyo.” Lubha silang nalungkot at nagtanong ang bawat isa: “Ako ba, Panginoon?” Sumagot siya: “Ang kasabay kong nagsasawsaw ng tinapay sa plato ang magkakanulo sa akin. Patuloy sa kanyang daan ang anak ng Tao ayon sa isinulat tungkol sa kanya ngunit kawawa ang nagkakanulo sa Anak ng Tao; mas mabuti pa para sa taong ito kung hindi na siya ipinanganak pa.” Nagtanong din si Judas na magkakanulo sa kanya: “Ako ba, Guro?” Sumagot si Jesus: “Ikaw na ang nagsabi.”
Pagninilay:
Narinig niyo na ba ang katagang: “Betrayal rarely comes from your enemies?” Nasasabi natin ito marahil sa mga karanasan natin ng pagtataksil ng mga taong lubos nating pinagkakatiwalaan. Ang pagkakanulo sa mga romantikong relasyon ay tila pamilyar sa atin, ngunit sa katotohanan ay ang pagkakanulo ng isang malapit na kaibigan ay maaaring maging kasing bigo, o mas higit pa. Maliban sa kalungkutan, ano pa kaya ang naramdaman ng mga desipolo nang marinig nila ito kay Hesus? Ano kaya ang nararamdaman ni Hesus sa mga panahong iyon? Bilang ating modelo at guro, ipinakita ni Hesus kung papaano tayo dapat tumugon sa harap ng pagtataksil. Walang bahid ng galit at poot, walang pagsusumbat sa lahat ng naitulong niya sa kanyang mga alagad. Mahirap man ngunit ito ay paanyaya sa atin ni Kristo na tanggapin at yakapin natin ang lahat ng mga taong magtataksil sa atin nang may kapayapaan at kapatawaran. Amen.