JUAN 6:16-21
Lumusong ang mga alagad ni Jesus sa aplaya. At pagkasakay sa bangka ay nagpunta sa kabilang ibayo ng lawa tungo sa Capernaum. Dumilim na at wala pa si Jesus: at nagising ang lawa dahil sa malakas ang ihip ng hangin. Pagkasagwan nila nang may lima o anim na kilometro, nakita nila si Jesus na naglalakad sa lawa at palapit sa bangka. Nasindak sila. Ngunit sinabi naman niya sa kanila: “Ako siya; huwag kayong matakot.” Kaya gusto nila siyang isakay sa bangka, ngunit ang bangka ay bigla nang nasa pampang na patutunguhan nila.
PAGNINILAY:
Mga kapanalig, karamihan sa mga alagad ni Jesus, mangingisda na ang hanapbuhay, sa dagat na kilala nila. Pero hindi pangkaraniwan ang kalagayan ng panahon sa dagat o lawa ng Galilea. Panatag ang ibabaw ng tubig ng lawa sa halos buong maghapon pero minsa’y nagkakaroon ng malalaking alon pagdating ng kalagitnaan ng hapon hanggang sa pagsapit ng gabi na maaaring ikatakot ng kahit na bihasang magdaragat. Dapat isaalang-alang na para sa mga Judio, ang kadiliman, nagngangalit na tubig, at malakas na hangin – mga mortal na kaaway na minsa’y ipinakikita bilang mga tauhan sa kanilang sinaunang panitikan at Diyos lamang ang tanging nakasusupil sa mga ito. Sa kuwentong ito ng paglalakad ni Jesus sa tubig ng lawa, inuulit ang mga pangyayaring inilalahad sa Genesis at Exodo. Dito, ipinakikita ang katotohanang si Jesus ang kamay ng Diyos na magliligtas sa Kanyang bayan at magdadala ng bagong santinakpan. Sinusupil ng Diyos ang kadiliman, nagngangalit na tubig, at malakas na hangin upang makalikha ng maayos na sansinukob. Iniligtas ng Diyos ang Kanyang bayan sa pamamagitan ng paghahati sa Dagat ng Tambo upang makatawid ang mga Israelita at matakasan ang mga humahabol na Ehipsiyo. Ngayon sa katauhan ni Jesus, inililigtas ng Diyos ang bayang Kanyang pinili sa pamamagitan ng pagsupil sa mga puwersa ng kalikasan at pagtiyak na makararating nang ligtas ang mga ito sa kanilang patutunguhan. Ang ginawa ni Jesus, isang aral na nagpapakita sa atin kung hanggang saan kikilos ang Diyos upang marating natin ang lupang inilaan Niya para sa atin. Mga kapanalig, sa gitna ng unos at bagyong dinaranas natin ngayon sa ating buhay, laging nandidyan ang Panginoon na nagsasabing “huwag kang matakot, ako ito.” Nararamdaman mo ba ang Kanyang mahiwagang pagkilos sa iyong buhay? Panginoon, dagdagan Mo po ang aking pananampalataya, nang huwag akong sumuko at mawalan ng pag-asa sa gitna ng mga pagsubok na dumarating sa aking buhay. Amen.