Daughters of Saint Paul

ABRIL 14, 2021 – MIYERKULES SA IKA-2 LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

EBANGHELYO: Jn 3:16-21

Sinabi ni Jesus kay Nicodemo: “Ganito nga kamahal ng Diyos ang mundo! Kaya’t ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak upang hindi na mawala ang naniniwala sa kanya; magkakaroon nga siya ng buhay na walang hanggan. Hindi nga sinugo ng Diyos sa mundo ang Anak upang hukuman ang mundo, kundi upang maligtas ang mundo sa pamamagitan niya. Hindi hinahatulan ang naniniwala sa kanya. Ngunit hinatulan na ang hindi naniniwala, sapagkat hindi siya naniniwala sa Ngalan ng bugtong na Anak ng Diyos. Ito ang hahatulan: dumating sa mundo ang liwanag subalit higit pang minamahal ng mga tao ang karimlan kaysa liwanag, sapagkat masasama ang kanilang gawa. Napopoot nga sa liwanag ang nabubuhay nang masama at hindi lumalapit sa liwanag at baka mahayag ang kanyang mga gawa. Sa liwanag naman lumalapit ang gumagawa ng katotohanan upang mahayag na sa Diyos ginagawa ang kanyang mga gawa.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Edna Cadsawan ng Institute of the Holy Family ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Napakaganda ng ebanghelyong narinig natin, lalo na ang panimulang talata nito sa Jn 3:16. Nagpapakita ito ng walang hanggang pagmamahal ng Diyos sa ating mga nilikha niya, isang pag-ibig na hindi mapanghusga kundi nagliligtas. Pero ang handog niyang pag-ibig ay hindi sinasaklawan ang ating kalayaang pumili, kung tatanggapin o tatanggihan ba natin ito. Ang pag-ibig na inihahandog ng Diyos sa atin ay walang kundisyon, nagmamahal siya kahit hindi natin sinusuklian ang kanyang pagmamahal. Sa pagtanggap natin sa pag-ibig niya, tayo rin  ay inaasahang magpakita ng ganitong klase ng pag-ibig. Perobilang mga tao, aminin natin na lubhang mahirap magmahal/ sa taong hindi ka naman mahal o tinatanggihan ka. Sa ganitong sitwasyon, higit nating kakailanganin ang awa at tulong ng Diyos. Sa puntong ito, nais kong ibahagi ang karanasan ko sa pag-aalaga sa aking 89 yr old na ina. Nung namatay po ang Papa ko nung 1999, napilitang sumama sa amin ang aming Mama. Gusto sana niyang manatili sa apartment unit na tinitirhan naming, pero hindi na talaga sapat ang kinikita naming magkakapatid upang pagbigyan ang gusto niya.  Hindi ito naging madali sa aming lahat, lalo na kay Mama. Maraming pagkakataon na nagkaroon kami ng hindi pagkakaunawaan.  Pero sa aming patuloy na pananalangin, patuloy pa rin kaming nagsusumikap na maipakita ang pag-ibig na tinanggap namin sa Diyos. Mga kapatid, manalangin tayo sa patuloy na paggabay ng Diyos upang makayanan nating mahalin ang mga taong mahirap mahalin. Amen.