Mapagpalang Huwebes Santo mga kapatid kay Kristo. Dalawang mahahalagang pagdiriwang ang ginaganap ngayong araw sa Simbahan—ang Chrism Mass kung saan magpapanibago ng sinumpaang pangako sa Diyos ang tanang kaparian. At ang MIsa sa Pagtatakipsilim sa Paghahapunan ng Panginoon. Idalangin natin ang ating mga kaparian nang manatili silang tapat sa sinumpaang pangako sa Diyos at maging masigasig sa pangangaral ng Mabuting Balita. Ako po si Sr. Amelyne Paglinawan ng Daughters of St. Paul. Na nag-aanyayang ihanda natin ang sarili sa pakikinig sa Ebanghelyo para sa Liturhiya ng Pagdiriwang ng Huling Hapunan.
Ebanghelyo: Juan 13, 1-12
Bago magpiyesta ng Paskuwa, alam ni Jesus na dumating na ang kanyang oras upang tumawid mula sa mundong ito patungo sa Ama, at siya na nagmahal sa mga sariling kanya na nasa mundo, minahal niya sila hanggang sa katapusan. Naghahapunan sila at naipasok na ng diyablo sa isip ni Judas na anak ni Simon Iskariote, na ipagkanulo siya. Alam ni Jesus na ipinagkaloob ng Ama sa kanyang kamay ang lahat, at mula sa Diyos siya galing at sa Diyos siya pabalik. Kaya tumindig siya mula sa hapunan at hinubad ang tunika, at pagkakuha ng tuwalya ay ibinigkis sa sarili. Pagkatapos ay nagbuhos siya ng tubig sa hugasan, at nagpasimulang hugasan ang mga paa ng mga alagad at punasan ng tuwalyang nakabigkis sa kanya. Nang lumapit s’ya kay Simon Pedro sinabi nito sa kanya, “Panginoon, ikaw ba ang maghuhugas sa aking mga paa?” Sumagot si Jesus, “Hindi mo nauunawaan ngayon ang aking ginagawa, ngunit mauunawaan mo makaraan ang mga ito.” Sinabi sa kanya ni Pedro, “Hinding-hindi mo huhugasan ang aking mga paa, magpakailanman.” Sumagot si Jesus sa kanya, “Kung hindi kita huhugasan wala kang kaugnayan sa akin.” Sinabi sa kanya ni Simon Pedro, “Panginoon, hindi lamang ang mga paa ko, kundi pati na ang mga kamay at ulo.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Mga paa lamang ang kailangang hugasan nang naligo na dahil malinis na ang buo n’yang sarili. Malinis na nga kayo, subalit hindi lahat.” Kilala na ni Jesus kung sino ang magkakanulo sa kanya. Dahil dito kaya niya sinabing: ‘hindi lahat kayo’y malinis’. Kaya nang mahugasan niya ang kanilang paa, kinuha niya ang kanyang tunika, bumalik sa hapag at nagsalita sa kanila: “Nalalaman ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo? Kayo’y tumatawag sa aking ‘Guro’ at ‘Panginoon.’ Tama ang pagsasabi ninyo, dahil ako nga. Kaya kung hinugasan ko ang inyong paa, ako na siyang Panginoon at siyang Guro, gayundin naman kayo dapat maghugasan ng mga paa ng isa’t isa. Isang halimbawa ang ibinigay ko sa inyo upang gawin ninyo gaya ng ginawa ko sa inyo.”
Pagninilay:
Nabubuhay tayo sa isang lipunan kung saan “karaniwan” para sa mga mayayaman at makapangyarihan ang pag-uutos sa mga tao, habang ang mga mahihirap at mga mababang-tao ang naglilingkod. Binaligtad ni Hesus ang pamantayang ito sa pamamagitan ng kanyang halimbawa sa ating Ebanghelyo. Ang paghuhugas ng paa ay gawain ng isang alipin, subalit ginawa ito ni Hesus upang turuan ang kanyang mga alagad ng tamang paglilingkod sa kapwa. Madalas ganito ang mentalidad ng ating lipunan, kapag mataas ang estado ng buhay, limitado ang paglilingkod sa kapwa. Datapwat ito ang katuruan ni Hesus: Nagpaka-aba siya upang maitampok at mai-angat ang tao lalo yaong nasa laylayan ng lipunan. Isang paglilingkod na may pagmamahal at pagpapahalaga.