Daughters of Saint Paul

Abril 14, 2024 – Ikatlong Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay (B)

Ebanghelyo: Lk 24:35-48

Isinalaysay ng dalawang alagad ang nangyari sa daan at kung paano nila siya nakilala sa pagpipiraso ng tinapay. Habang pinag-uusapan nila ang mga ito, tumayo siya mismo sa gitna nila (at sinabi sa kanila: “Huwag kayong matakot, sumainyo ang kapayapaan!”). Nagulat nga sila at natakot, at akala’y nakakakita sila ng kung anong espiritu. Ngunit sinabi niya sa kanila: “Bakit kayo naliligalig at pumapasok ang alinlangan sa inyong isipan? “Tingnan ninyo ang aking mga kamay at mga paa, ako nga siya. Hipuin ninyo ako at unawain ninyo na walang laman at mga buto ang isang espiritu, at nakikita ninyo na meron ako.” (Matapos masabi ito, ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at paa.) Hindi sila makapaniwala sa labis na galak at nagtataka pa rin kaya sinabi niya sa kanila: “May makakain ba kayo rito?” At binigyan nila siya ng isang pirasong inihaw na isda (at pulot-pukyutan). Kinuha niya iyon at kumain sa harap nila. Sinabi niya sa kanila: “Sinabi ko na sa inyo ang mga ito nang kasama ninyo ako: kailangang matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa Batas ni Moises, Mga Propeta at Mga Salmo.” At binuksan niya ang kanilang isipan para maunawaan nila ang mga Kasulatan. Sinabi niya: “Ganito ang nasusulat: kailangang magdusa ang Mesiyas at pagkamatay niya’y buhayin sa ikatlong araw. Sa ngalan niya ipahahayag sa lahat ng bansa ang pagsisisi at ang kapatawaran ng mga kasalanan—sa Jerusalem kayo magsisimula. Kayo ang magiging mga saksi sa mga ito.”

Pagninilay:  

Isinulat ni Fr. Ramil Tapang ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Natunghayan natin sa Mabuting Balita, ang paglalakbay ng dalawang alagad na takot na takot. Tumatakas sila mula sa Jerusalem papuntang Emaus. Bitbit nila ang panghihinayang dahil para sa kanila, ang kanilang kinikilalang Mesiyas ay wala na. Kaya nga ‘t balot ng lungkot at pighati ang kanilang paglisan sa Jerusalem, ang lugar nang kanilang “pagkabigo”.  Pero ang kanilang pagkabahala ay pinawi ni Hesus. Siya mismo ang tumagpo sa kanila sa daan, upang iparamdam na hindi sila iniwan. (Nakisabay si Hesus sa kanila; ipinaliwanag ang Kasulatan, at binuksan ang kanilang isipan sa “Paghahati ng Tinapay.” Doon nila naunawaang ang Diyos pala ay “kapiling nila!)  Mga kapatid, (ito rin ang sinasabi sa atin, na sa bawat krisis na pinagdadaanan sa paglalakbay ay madali sa atin ang lisanin ang Jerusalem, lugar ng pagdududa at takot; at sa bandang huli ay tumakas papuntang Emmaus, lugar naman ng kawalan ng pag-asa.) Isa lang ang nais ipahiwatig sa atin ni Hesus—hindi niya tayo bibiguin!  Matiyagang uunawain niya ang ating kahinaan at mananatiling kapiling siya upang bigyan tayo ng lakas at pag-asa! Magandang paalala ito sa ating lahat, na may Diyos na matiyagang nakikilakbay sa atin. Amen.