Daughters of Saint Paul

Abril 14, 2025 – Lunes Santo

Ebanghelyo:  Juan 12:1-11

Anim na araw bago mag-Paskuwa, pumunta si Hesus sa Betania, na kinaroroonan ni Lazaro na pinabangon ni Hesus mula sa mga patay.  Kaya naghanda sila roon ng hapunan para sa kanya.  Naglilingkod si Marta at si Lazaro naman ay isa sa mga kasalo ni Hesus.  Kinuha ni Maria ang isang libra ng mamahaling pabangong mula sa tunay na nardo at pinahiran niya ang mga paa ni Hesus at pinunasan ng kanyang buhok ang mga paa nito.  Napuno ng halimuyak ng pabango ang pamamahay. Sinabi ni Judas Iskariote na isa sa kanyang mga alagad na siyang magkakanulo sa kanya: “Ano ito?  Maipagbibili sana ang pabangong ito sa halagang tatlundaang denaryo para maibigay sa mga dukha.”  Sinabi niya ito, hindi dahil may malasakit siya sa mga dukha kundi dahil magnanakaw siya; hawak niya ang pananalapi at nangungupit doon. Kaya sinabi ni Hesus: “Bayaan mo na siya; inilaan na niya ito para sa araw ng paglilibing sa akin.  Kasama ninyong lagi ang mga dukha, ngunit hindi ninyo ako laging kasama.” Marami sa mga Judio ang nakaalam na naroon siya.  At dumating sila hindi dahil lamang kay Hesus kundi upang makita nila si Lazaro sapagkat marami sa mga Judio ang lumilisan dahil sa kanya at naniniwala kay Hesus.

Pagninilay:

Isinulat po ni Sr. Carmen Billones ng Daughters of St. Paul ang ating pagninilay.

Lunes Santo. Ano ang maganda sa Lunes Santo? Inaanyayahan tayo ng Panginoong Jesus na buksan ang ating mga puso sa biyaya ng Diyos habang ginugunita natin ang kanyang pagdurusa, at kamatayan sa krus. Magpatuloy nawa tayo sa paglalakbay nang may kagalakan, pag-asa at pag-asam sa tagumpay ni Hesus na muling mabubuhay. 

Sa ebanghelyo ngayon, nakipag-ugnayan si Jesus sa kanyang mga kaibigan na sina Lazarus, Marta at Maria sa Betania, gayundin sa isa niyang alagad, si Judas Iscariote na magkakanulo sa kanya. 

Napuno ng kagalakan ang mga puso nina Maria, Marta at Lazaro sa dakilang biyaya ng Diyos, ang kaloob na bagong buhay ni Lazaro, at ang presensya ni Jesus sa kanilang buhay. Ngunit kaawa-awa si Judas Iscariote dahil napuno ng kasakiman sa pera ang puso niya. Nagkunwari siyang nagmamalasakit sa mga dukha ngunit puno siya ng inggit at kataksilan.

Mga kapanalig, matuto nawa tayo kay Maria, Marta at Lazaro, gayundin kay Hudas Iscariote ngayong Lunes Santo.

• Maging mapagpakumbaba at hindi mapagmamataas

• Maging mapagkakatiwalaan at hindi makasarili

• Maging tapat at hindi taksil

• Maging bukas-palad at huwag maging sakim.

Mapuno nawa tayo ng pagpapala at panalangin ngayong Lunes Santo!