Gen 1:1, 26-31a – Slm 104 – Gen 22:1-18 – Slm 16 – Ex 14:15—15:1 – Ex 15 – Is 54:5-14 -Slm 30 – Is 55:1-11 – Is 12 – Bar 3:9-15, 32—4:4 – Slm 19 – Ez 36:16-17a, 18-28
Slm 42; 43 – Rom 6:3-11 – Slm 118 – Mt 28:1-10
Mt 28:1-10
Kinahapunan ng Araw ng Pahinga, sa paglabas ng unang bituin, sa unang araw ng sanlinggo, pumunta sa libingan si Maria Magdalena at ang isa pang Maria para tingnan ang libingan. Walang anu-ano'y lumindol nang malakas at bumaba mula sa langit ang isang anghel ng Panginoon, at nilapitan ang bato, pinagulong ito at naupo roon. Parang kidlat ang kanyang mukha at simputi ng niyebe ang kanyang damit. Nanginig sa takot ang mga bantay at naging parang mga patay.
Sinabi ng Anghel sa mga babae: "Huwag kayong matakot; alam kong hinahanap ninyo si Jesus na ipinako sa krus. Wala siya rito, binuhay siya ayon sa kanyang sinabi. Tingnan ninyo ang lugar na pinaglibingan sa kanya. Pumunta kayo agad ngayon at sabihin sa inyong mga alagad na muli siyang nabuhay at mauuna sa inyo sa Galilea. Makikita ninyo siya roon. Ito ang mensahe ko sa inyo."
Agad nilang iniwan ang libingan na natatakot at labis na nagagagalak, at tumakbo sila para balitaan ang kanyang mga alagad.
Nakasalubong nila sa daan si Jesus at sinabi niya: "Kapayapaan." Paglapit sa kanya ng mga babae, niyakap nila ang kanyang mga paa at sinamba siya. Sinabi naman ni Jesus sa kanila: “Huwag kayong matakot. Humayo kayo at sabihin sa aking mga kapatid na pumunta sila sa Galilea; doon nila ako makikita.”
PAGNINILAY
May iba’t ibang teoriya tungkol sa kung ano talaga ang nangyari sa Muling Pagkabuhay ni Jesus at kung paano ito nangyari. Pero ang totoo’y wala talaga tayong gaanong alam tungkol dito. Maging ang apat ng ebanghelista walang naisulat kung paano talaga nangyari ang Muling Pagkabuhay. Samantalang ang pagkapako at pagkamatay ng Panginoon sa Krus, nasaksihan ng maraming tao. Pero ang Kanyang Muling Pagkabuhay, nananatiling lihim. Mga kapatid, ginusto ng Diyos na ang dakilang pangyayaring iyon tanggapin lang nang may pananampalataya. Ang pagpapahayag ng mga alagad tungkol sa Muling Pagkabuhay, batay lamang sa libingang walang laman at sa mga pagpapakita ni Jesus sa kanila. Sa hindi sumasampalataya, hindi sapat na katibayan iyon. Tunay na ang Muling Pagkabuhay, mauunawaan at magiging makabuluhan lamang kung titingnan ito ng tao, hindi sa pamantayan ng tao, kundi sa pamantayan ng Diyos. Hindi man natin nakita ang libingang walang laman – ang mabuhay sa pag-ibig at paglilingkod sa kapwa nang walang itinatangi ang matibay na patotoo sa Muling Pagkabuhay ng ating Panginoon. Manalangin tayo. Panginoon, nananalig po akong tunay kang nabuhay na muli. Patatagin Mo po ang aking pananampalataya sa katotohanang ito. Amen.