Daughters of Saint Paul

Abril 15, 2018 Ikatlong Linggo Ng Pasko Ng Pagkabuhay (B)

LUCAS 24:35-48

Isinalaysay ng dalawang alagad ang nangyari sa daan at kung paano nila siya nakilala sa pagpipiraso ng tinapay. Habang pinag-uusapan nila ang mga ito, tumayo siya mismo sa gitna nila (at sinabi sa kanila: “Huwag kayong matakot, sumainyo ang kapayapaan!”). Nagulat nga sila at natakot, at akala’y nakakakita sila ng kung anong espiritu. Ngunit sinabi niya sa kanila: “Bakit kayo naliligalig at pumapasok ang alinlangan sa inyong isipan? “Tingnan ninyo ang aking mga kamay at mga paa, ako nga siya. Hipuin ninyo ako at unawain ninyo na walang laman at mga buto ang isang espiritu, at nakikita ninyo na meron ako.” (Matapos masabi ito, ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at paa.) Hindi sila makapaniwala sa labis na galak at nagtataka pa rin kaya sinabi niya sa kanila: “May makakain ba kayo rito?” At binigyan nila siya ng isang pirasong inihaw na isda (at pulot-pukyutan). Kinuha niya iyon at kumain sa harap nila. Sinabi niya sa kanila: “Sinabi ko na sa inyo ang mga ito nang kasama ninyo ako: kailangang matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa Batas ni Moises, Mga Propeta at Mga Salmo.” At binuksan niya ang kanilang isipan para maunawaan nila ang mga Kasulatan. Sinabi niya: “Ganito ang nasusulat: kailangang magdusa ang Mesiyas at pagkamatay niya’y buhayin sa ikatlong araw. Sa ngalan niya ipahahayag sa lahat ng bansa ang pagsisisi at ang kapatawaran ng mga kasalanan—sa Jerusalem kayo magsisimula. Kayo ang magiging mga saksi sa mga ito.”

PAGNINILAY:

Sa Ebanghelyong narinig natin, may apat na paanyaya si Jesus sa mga alagad para matanggap nilang muli nga siyang nabuhay.  Una, “Huwag kayong matakot, sumainyo ang kapayapaan!” Ang maganda sa pagbating ito ni Jesus, naroroon din ang basbas ng kapayapaan, dahil ang payapang kalooban lamang ang madaling makakita sa katotohanan.  Ito ang pinakamainam na pagharap sa buhay na binago na ni Jesus sa kanyang tagumpay sa kasalanan at kamatayan.  Ikalawa, “Bakit kayo naliligalig… tingnan ninyo…hipuin ninyo…”  Isa itong paghamong gamitin ang matinong pag-iisip at ang payak na kakayahang suriin ang mga karanasan para kilatisin ang kanyang ipinahahayag sa pagpapakita sa kanila.  Ikatlo, “May makakain ba kayo rito?”  Isang simpleng tanong para maisagawa ang isang simpleng pagpapatunay na buhay ang kanilang kaharap.  Hindi kumakain ang multo.  Buhay nga si Jesus.  At ang ikaapat, “Sinabi ko na, ang mga ito sa inyo noon.”  Isang pagbabalik-tanaw naman ito sa nakaraan, para ipaunawa ang mga kaganapan ng mga salitang binitiwan niya noon.  Panginoon, tulutan Mo pong makita ko at madama ang Iyong mahiwagang pagkilos sa aking buhay.  Huwag ko nawang pagdudahan ang iyong buhay na presensiya, kundi lumago sa pagtitiwala at pananampalataya Sa’yo.  Amen.