Daughters of Saint Paul

ABRIL 15, 2020 – MIYERKULES SA OKTABA NG PASKO NG PAGKABUHAY

EBANGHELYO:Lucas 24:13-35

Nang araw ng Linggo, dalawa sa mga alagad ang naglalakad pa-Emmaus na isang nayon mga labinlimang kilometro mula sa Jerusalem. Pinag-uusapan nila ang mga nangyari. Sa kanilang pag-uusap at pagtatalakayan, lumapit si Jesus at nakisabay sa paglakad nila pero parang may kung anong hadlang sa kanilang mga mata at hindi nila siya nakilala. Tinanong niya sila: “Ano ba ang pinag-uusapan ninyo sa daan?”…Sumagot sila na nagngangalang Cleofas: “Tungkol kay Jesus na taga-Nazaret. Sa paningin ng diyos at ng buong baya’y isa siyang Propetang makapangyarihan sa gawa at salita…. Ngunit ipinako siya sa krus. Umaasa pa naman kaming siya ang tutubos sa Israel… “Hindi ba’t kailangang magdusa nang ganito ang Mesiyas bago pumasok sa kanyang Luwalhati?” At sinimulan niyang ipaliwanag sa kanila ang lahat ng sinasabi ng Kasulatan… Nang malapit na sila sa nayong pupuntahan nila, parang magpapatuloy pa siya sa paglakad. Pero pinilit nila siya; “ Manatili kang kasama namin dahil dapithapon na at lumulubog na ang araw.” Kaya pumasok siya at sumama sa kanila. Nang nasa hapag na siyang kasalo nila, kumuha siya ng tinapay, nagpuri at piniraso ito at ibinigay sa kanila. At noo’y nabuksan ang kanilang mga mata at nakilala nila siya, at nawala siya sa kanilang paningin. Nag-usap sila: “Hindi ba’t nag-aalab ang ating puso nang kinakausap niya tayo doon sa daan at ipinaliliwanag sa atin ang mga Kasulatan?” Noon di’y tumayo sila at nagbalik sa Jerusalem…

PAGNINILAY:

Isinulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Ano nga kaya ang dahilan bakit hindi agad nakilala ng dalawang alagad si Jesus? Marahil naliliman ng kalungkutan ang dalawang alagad kaya di nila nakilala, na si Jesus na pala ang sumasabay sa kanilang paglalakad. Mabuti na lang, naisipan nilang magkawang-gawa. Dahil gumagabi na, inanyayahan nila si Jesus na manatili muna sa kanila at saluhan sila sa pagkain. It is in this act of charity that Jesus reveals himself to them in the breaking of the bread.Nang hatiin ni Jesus ang tinapay at ibigay sa kanila dun nila nakilala si Jesus. Na-realize nila na, oo nga pala umaalab ang kanilang dibdib habang nagpapaliwanag si Jesus. Mga kapanalig, sa gitna ng pangamba na dala ng corona virus, anyayahan din nating manatili si Jesus sa ating piling. Humugot tayo ng lakas sa pagbabasa at pagmumuni-muni ng kanyang mga Salita sa Bibliya. Hingin natin sa kanya na higit pang lumalim ang pagkakakilala natin sa Kanya, upang kusa tayong gumawa ng kabutihan sa kapwa sa gitna ng mga pangamba, Amen.