Daughters of Saint Paul

ABRIL 15, 2022 – BIYERNES SANTO SA PAGPAPAKASAKIT NG PANGINOON

Handa ka bang yakapin ang iyong krus kasama si Jesus?   Isang mapayapang araw ng Biyernes Santo mga Kapanalig/ mga kapatid ay Kristo!” Kung tayo ay namatay na kasama ni Kristo, sumasampalataya tayong mabubuhay na kasama ni Kristo” – Rom 6:8 Sr. Amelyne Paglinawan po, ng Daughters of St. Paul. Pagnilayan natin sa Ebanghelyo ang lalim at lawak ng pagbibigay ni Jesus ng Kanyang sarili sa Mabuting Balita ngayon. 

Ebanghelyo: Juan 18, 1 – 19, 42

Nangakatayo naman sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina at ang kapatid na babae ng ina niya, si Mariang asawa ni Cleofas at si Maria Magdalena. Kaya pagkakita ni Jesus sa Ina at sa kanyang mahal na alagad na nakatayo sa tabi, sinabi niya sa Ina: “Babae, hayan ang anak mo!” Pagkatapos ay sinabi naman niya sa alagad: “Hayan ang iyong ina.” At mula sa oras na iyo’y tinanggap siya ng alagad sa kanila. Pagkaraan nito, nakita ni Jesus na natupad na ang lahat. Ngunit kailangang maganap ang isa pang Kasulatan, at sinabi niya: “Nauuhaw ako!” May sisidlan naman doon na puno ng mapait na alak. Kaya ikinabit nila sa isopo ang esponghang ibinabad sa alak at idiniit nila sa kanyang bibig. Pagkasipsip ni Jesus ng alak, sinabi niya: “Natupad na!” At pagkayuko ng ulo ibinigay n’ya ang espiritu. Ayaw ng mga Judio na manatili sa krus ang mga bangkay sa Araw ng Pahinga. Paghahanda ng Paskuwa noon, kaya mas dakila pa ang Araw na iyon ng Pahinga. At hiniling nila kay Pilato na baliin ang mga binti ng mga nasa krus at saka alisin ang mga bangkay. Kaya pumaroon ang mga sundalo. Binali nila ang mga binti ng una at pati ng ikalawa na kasama niyang ipinako sa krus. Pagsapit naman nila kay Jesus, nakita nilang patay na siya kaya hindi nila binali ang kanyang mga binti. Gayunma’y sinibat ng isa sa mga sundalo ang kanyang tagiliran at umagos ang dugo at tubig. Ang nakasaksi ang nagpapatunay, at totoo ang kanyang patunay. At siya ang nakaaalam na totoo ang kanyang sinasabi kaya maniwala kayo.

Pagninilay: 

Tetelestai! Naganap na! Ngayon ay Biyernes Santo. Araw ng pangilin – ng pag-aayuno at abstinensiya.  Marahil abala ang lahat sa paggunita ng mga mahal ng araw sapagkat ito ang unang pagkakataon matapos ang mahabang mga lock down na maisasagawa ang mga minamahal na tradisyon at nakagawian tuwing mga Mahal na Araw, lalo’t higit ngayong Biyernes Santo. Nariyang magpabasa ng Pasyong Mahal, mag istasyon ng Krus, mag Senakulo, mag prosesyon at marami pang iba. Ngunit isa sa aking pinaka paborito ay ang pakikinig sa mga pagninilay sa Pitong Huling Wika ng Panginoong Hesus. Isa sa pinaka paborito kong salita ay ang “Naganap na!” Madalas nating naririnig ito bilang Consumatum Est, o kaya’y “It is Finished!” Habang ako’y nagsasaliksik at nag-aaral, minsang nakatagpo ko ang katumbas ng salitang “Naganap Na” sa Griyego, ito ang salitang Tetelestai. Sinubukan kong unawain ang salita at namangha ako sa mensaheng aking tinanggap. Isa sa mga salin ng katagang Tetelestai ay batay sa gamit nito noon sa mundo ng komersyo. Natagpuan sa isang Archaeological find ang mga sinaunang resibo o katibayan na taglay ang isang tatak at salitang tetelestai na nagsasabing nabayaran na ang mga bagay na iyong nakapaloob sa katibayan o resibo. Samakatuwid, tetelestai ay nangangahulugang, “Fully Paid! Marapat nating tandaan na hindi ito kabayaran ng ordinaryong pagkakautang. Higit pa ito sa ano pa pang kabayaran o kapalit para sa kalayaan mula sa kasalanan. Ang pagsigaw ni Hesus ng Tetelestai ay hindi sigaw ng pagkatalo at pagkagapi. Bagkus, sigaw ito na nagsasabi –mission accomplished. Tapos na. Naganap na. Mga kapatid, “Fully Paid” na tayo. Si Hesus ang nagbayad habang siya ay nakapako sa Krus. Ngunit hindi ibig sabihin nito na ok na ulit magpa-alipin at magpa-gapos sa tanikala ng kasalanan. Hindi. Dapat na tayong mamuhay ayon sa liwanag at sa dakilang biyaya na ipinagkaloob sa atin. Sa ating pananalangin sa araw na ito, magpasalamat tayo sa handog na ito ni Hesus sa ating buhay. Nawa, ang bawat nating tradisyon at gawain sa araw na ito ng Biyernes Santo ay sumalamin sa dakilang biyayang ito na ating tinanggap. Sa huli, naganap na ni Hesus ang kaniyang misyon. Panahon na para tayo naman ang magpatuloy ng misyon na ito mula sa Ama. Nawa, mabanggit din natin sa ating mga labi, sa oras na tayo naman ay babalik na sa makalangit na bayan: Tetelestai, mission accomplished Panginoon. Amen.