Daughters of Saint Paul

Abril 16, 2018 Lunes Sa Ika-3 Linggo Ng Pasko Ng Pagkabuhay

Juan 6:22-29

Napuna ng mga taong nakatayo sa kabilang ibayo ng lawa na walang bangka noon sa lugar na iyon kundi isa lang at hindi sumakay si Jesus sa bangkang ito kasama ng kanyang mga alagad. Ngunit ang ilang malaking bangkang galing Tiberias ay dumating malapit sa lugar na kinainan nila ng tinapay sa pagpapasalamat ng Panginoon. Kaya nang mapuna ng mga tao na wala roon si Jesus ni ang mga alagad niya, sumakay sila sa mga bangka at pumunta sa Capernaum para hanapin si Jesus. Nang matagpuan nila siya sa kabilang ibayo ng lawa, sinabi nila sa kanya, “Guro, kailan ka pumarito?” Nagsalita sa kanila si Jesus at sinabi: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, hinahanap n’yo ako hindi dahil sa nakita n’yo sa mga tanda kundi dahil sa tinapay na kinain n’yo at kayo ay nabusog. Magtrabaho kayo, hindi nga para sa pagkaing nasisira kundi para sa pagkaing nananatili at nagbubunga ng buhay na walang hanggan. Ito ang ibibigay ng Anak ng Tao sa inyo; siya nga ang tinatakan ng Diyos Ama.” Kaya sinabi nila sa kanya: “Ano ang matatrabaho namin para maisagawa ang mga ipinagagawa ng Diyos?” Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: “Ito ang ipinagagawa ng Diyos: maniwala kayo sa sinugo niya.”

PAGNINILAY:

Napapanahon ang panawagan sa atin ng Ebanghelyong ating narinig.  Sa gitna ng mga pagsisikap nating matugunan ang pangunahing pangangailangan ng pamilya at mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga anak, ito ang panawagan sa atin ng Panginoon:  “Magtrabaho kayo, hindi nga para sa pagkaing nasisira kundi para sa pagkaing nananatili at nagbubunga ng buhay na walang hanggan.”  Ilan ba sa atin sumi-seryoso sa panawagang ito ng Panginoon?  Ayon kay San Juan Crisostomo, “Ang mga tao’y nakapako sa mga bagay dito sa lupa.”  Namumuhay na parang wala ng katapusan ang buhay.  Puro kasiyahan ng laman at pagpapasasa sa makamundong bagay ang inaatupag, ni walang pakialam sa buhay espiritwal.  Mga kapatid, nilikha tayo ng Diyos na may katawan at kaluluwa.  Kung paano natin inaalagaan ang ating lupang katawan – pinapakain upang manatiling malusog, pinapaliguan upang manatiling malinis; ganun din dapat na pag-aalaga ang gawin natin sa ating kaluluwa.  Kailangan natin itong pakainin ng Salita ng Diyos sa ating pagdarasal at pagsisimba, at kailangan din natin itong linisin sa tuwing tayo’y nagkakasala sa pamamagitan ng Sakramento ng kumpisal.  Paalala ito na hindi lang mga bagay na materyal ang dapat nating pagkaabalahan at pag-ukulang pansin dito sa mundo, kundi higit sa lahat ang ating buhay espiritwal, ang ating kaluluwa na siyang maghahatid sa atin sa buhay na walang-hanggan.  Ang mga materyal na bagay maging ang ating buhay may katapusan.  Pero ang ating buhay espiritwal, ang pagsunod natin sa kalooban ng Diyos mananatili hanggang wakas.