Daughters of Saint Paul

Abril 16, 2024 – Martes sa Ika-3 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Ebanghelyo: Jn 6:30-35

Sinabi ng mga tao kay Jesus: “Anong tanda ang magagawa mo upng pagkakita namin ay maniwala kami sa iyo? Ano ba ang gawa mo? Kumain ng manna sa ilang ang aming mga ninuno ayon sa nasusulat: ‘Binigyan sila ng tinapay mula sa Langit at kumain sila.’” Kaya sinabi sa kanila ni Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay mula sa Langit; ang aking Ama ang nagbibigay sa inyo ng tunay na tinapay mula sa Langit. Ang tinapay ng Diyos ang pumapanaog mula sa Langit at nagbibigay-buhay sa mundo.” Kaya sinabi nila sa kanya: “Panginoon, lagi mong ibigay sa amin ang tinapay na ito.” Sinabi sa kanila ni Jesus: “Ako ang tinapay ng buhay. Hinding-hindi magugutom ang lumalapit sa akin at hindi mauuhaw kailanman ang naniniwala sa akin.”

Pagninilay:

Isinulat ni Cl. Eugene Leano ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Madalas ka bang tumawag sa mga santo at santa, gaya na lang nina Padre Pio, o di kaya ni Santa Teresa, o ni Santa Ana? O maari ring ang iyong regular na nobena ay sa Mahal na Ina ng Awa. Mabuti ang pagtawag sa mga banal na ito, dahil tunay na makapangyarihan ang kanilang panalangin para sa atin. Pero, pinapaalalahanan tayo ng ebanghelyo natin ngayong araw, na ang tunay na tumutugon sa ating mga panalangin, ang tunay na nagbibigay sa atin ng mga grasyang kailangan natin, ay ang Diyos. Sa ating ebanghelyo, itinama ni Hesus ang maling pag-aakala ng mga apostol, na ang manna o tinapay na galing sa langit, ay gawa at bigay ni Moises. Ayon kay Hesus, hindi ang kapangyarihan ni Moises, kundi ang kapangyarihan ng Diyos ang siyang nagpaulan ng tinapay mula sa langit. Mga kapatid, napakagandang paalala ito para sa atin. Tunay na sa pamamagitan ng panalangin ng mga banal, ng mga santo at santa ay nakakamit natin ang mga grasyang hinihiling natin. Pero, mahalagang pakatandaan na ang mga santo at santa ay hindi Diyos, at hindi Niya kapantay. Tanging ang Diyos lamang ang tunay na nagkakaloob sa atin ng grasya at kaligtasan. Amen.

Panalangin

Ama, nawa’y lagi naming maalala na ikaw ang tunay na bukal ng lahat ng grasya. Sa pamamagitan ng mga hinirang mong mga santo at santa ng simbahan, mas mapalapit nawa kami sa iyo, at tumugon sa iyong mahal na kalooban. Hinihiling namin ito sa ngalan ni Kristong aming Panginoon, na naghaharing kasama mo at ng Espiritu Santo, magpasawalang hanggan. Amen.