Ebanghelyo: Mateo 26:14-25
Pumunta sa mga Punong-pari ang isa sa Labindalawa, ang tinatawag na Judas Iskariote, at sinabi: “Magkano ang ibibigay ninyo sa akin kung ibibigay ko siya sa inyo? Inalok nila ito ng tatlumpung baryang pilak, at mula noon, naghanap ito ng pagkakataong maipagkanulo siya. Sa unang araw ng Piyesta ng Tinapay na Walang Lebadura, lumapit kay Hesus ang mga alagad at sinabi sa kanya: “Saan mo kami gustong maghanda ng Hapunang Pampaskuwa para sa iyo?” Sumagot si Hesus: “Puntahan ninyo ang lalaking ito sa lunsod at sabihin sa kanya: ‘Sinabi ng Guro: malapit na ang oras ko at sa bahay mo ako magdiriwang ng Paskuwa kasama ng aking mga alagad.’” At ginawa ng mga alagad ang lahat ng iniutos ni Hesus at inihanda ang Paskuwa. Pagkalubog ng araw, nasa hapag si Hesus kasama ng Labindalawa. Habang kumakain sila, sinabi ni Hesus: “Talagang sinasabi ko sa inyo: ipagkakanulo ako ng isa sa inyo.” Lubha silang nalungkot at nagtanong ang bawat isa: “Ako ba, Panginoon?” Sumagot siya: “Ang kasabay kong nagsasawsaw ng tinapay sa plato ang magkakanulo sa akin. Patuloy sa kanyang daan ang anak ng Tao ayon sa isinulat tungkol sa kanya ngunit kawawa ang nagkakanulo sa Anak ng Tao; mas mabuti pa para sa taong ito kung hindi na siya ipinanganak pa.” Nagtanong din si Judas na magkakanulo sa kanya: “Ako ba, Guro?” Sumagot si Hesus: “Ikaw na ang nagsabi.”
Pagninilay:
The love of money is the root of all evil. Kapag ang pera o yaman ang nangibabaw sa puso’t isipan ng isang tao, nagiging sanhi ito ng pagkawasak ng maraming bagay, lalo na ng ating relationships sa pamilya, sa magkakapatid at sa magkakaibigan. Kapanalig, ito ang ipinakita ni Hudas Iscariote. Ngayong Mierkules Santo, inihahayag ng Mabuting Balita ang pagkakanulo kay Jesus ni Hudas Iscariote sa halagang tatlumpung pirasong pilak. Napakasakit na ma-betray ka ng isang taong malapit sa iyo, kapamilya o kaibigan. Naalaala ko tuloy ‘yung nangyari sa aking kaibigan who was taken advantage of by his cousin. Nagsosyo sila sa isang business venture, at dahil pinsan niya itong kasosyo, pinagkatiwalaan niya ng pera. It was okay in the beginning. But then at some point, humingi ng malaking halaga ang pinsan. Tiwala naman ang kaibigan ko dahil wala naman siyang nakikitang mismanagement, so binigyan niya. Pero ano ang nangyari pagkatapos? Hindi na nagparamdam ang pinsan. Biglang naglaho, at itinakbo na ang pera niya. Napakasakit, di ba? Isang taong very close sa iyo, relative mo pa, tapos ibinetray ka. Dahil nasilaw sa salapi. Ang pagkagahaman sa pera ang nagtutulak sa isang tao na gumawa ng masamang bagay. Nakikita natin ito sa ating paligid at lipunan. Ngayong Semana Santa, humingi tayo ng biyaya sa Panginoon na bigyan ng liwanag ang ating isipan at puso upang malayo sa tukso. At pagkalooban niya tayo ng lakas na labanan ang anumang bagay na mag-uudyok sa atin na gumawa ng masama.