Daughters of Saint Paul

Abril 17, 2017 LUNES sa Oktaba ng Pasko ng Pagkabuhay / San Anacleto

 

Gawa 2:14, 22-33 – Slm 16 – Mt 28:8-15

Mt 28:8-15

Agad na iniwan ng mga babae ang libingan na natatakot at labis na nagagalak, at tumakbo sila para balitaan ang kanyang mga alagad.

Nakasalubong nila sa daan si Jesus at sinabi niya:  “Kapayapaan.”  Paglapit sa kanya ng mga babae, niyakap nila ang kanyang mga paa at sinamba siya. Sinabi naman ni Jesus sa kanila:  “Huwag kayong matakot. Humayo kayo at sabihin sa aking mga kapatid na pumunta sila sa Galilea; doon nila ako makikita.”

            Samantalang pabalik ang mga babae, nagbalik naman sa lunsod ang ilang mga bantay at ibinalita sa mga Punong-pari ang lahat ng nangyari. Nakipag-usap naman ang mga ito sa mga Matatanda ng bayan kaya kumuha sila ng sapat na halaga at ibinigay sa mga sundalo, at tinagubilinan silang  “Sabihin ninyong dumating nang gabi ang kanyang mga alagad at ninakaw ang katawan habang natutulog kayo. Kung mabalitaan ito ng gobernador, kami ang bahala sa kanya at hindi kayo magkakaproblema.”  Tinanggap ng mga sundalo ang pera at ginawa ang itinuro sa kanila; at laganap pa hanggang ngayon ang kuwentong ito sa mga Judio.

PAGNINILAY

Mga kapatid, hanggang sa mga sandaling ito ng pagtatagumpay ni Jesus laban sa kapangyarihan ng kadiliman, hindi pa rin natapos ang pagkilos ni satanas.  Ginamit na naman niya ang pera para maghasik ng mga maling aral sa tao.  Hindi na sila nag-isip, at nagpasilaw sila sa suhol ng mga kaaway ng Panginoon.  Ito ang naging dahilan kung bakit hanggang ngayon, may mga Judio pa ring naghihintay sa pagdating ng Mesiyas.  Mas pinaniwalaan nila ang kasinungalingan kaysa sa isang katotohanan na hindi maitatanggi at maikukubli.  Gayunpaman, marunong ang Diyos; at sa gabay ng Espiritu Santo, patuloy na lumalago ang Kaharian ni Kristo sa lupa.  Sa panahon natin ngayon di ba’t marami pa rin ang tumatanggap ng suhol, mapagtakpan lang ang katotohanan?  Ilan na bang kaso ng pangungurakot sa pamahalaan, karumal-dumal na krimen ang hindi nabibigyan ng hustisya – dahil sa panunuhol at pananahimik ng mga taong inaasahang maglalantad ng katotohanan?  Katulad ng mga sundalo sa Ebanghelyo, ipinagpalit din kaya nila ang katotohanan sa pera? Ang konsensiya, sa pansariling interes?  Mga kapatid, natakasan man nila ang batas ng tao, hinding-hindi nila matatakasan ang Batas ng Diyos na Siyang nakakaalam ng katotohanan, ng lahat ng lihim na ating pinagtakpan.  Sa Kanya tayo mananagot sa oras ng kamatayan.