Daughters of Saint Paul

Abril 17, 2018 Martes Sa Ika-3 Linggo Ng Pasko Ng Pagkabuhay

Juan 6:30-35

Sinabi ng mga tao kay Jesus: “Anong tanda ang magagawa mo upng pagkakita namin ay maniwala kami sa iyo? Ano ba ang gawa mo? Kumain ng manna sa ilang ang aming mga ninuno ayon sa nasusulat: ‘Binigyan sila ng tinapay mula sa Langit at kumain sila.’” Kaya sinabi sa kanila ni Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay mula sa Langit; ang aking Ama ang nagbibigay sa inyo ng tunay na tinapay mula sa Langit. Ang tinapay ng Diyos ang pumapanaog mula sa Langit at nagbibigay-buhay sa mundo.” Kaya sinabi nila sa kanya: “Panginoon, lagi mong ibigay sa amin ang tinapay na ito.” Sinabi sa kanila ni Jesus: “Ako ang tinapay ng buhay. Hinding-hindi magugutom ang lumalapit sa akin at hindi mauuhaw kailanman ang naniniwala sa akin.”

PAGNINILAY:

Sa Ebanghelyong ating narinig, takot na inaalala ng mga Judio ang himala ng manna – ang tila manipis na biskwit na tinapay na ipinakain ng Diyos sa kanilang mga ninuno habang nasa ilang ang mga ito.  Kahit nagsawa na sa manna ang mga tao, tinawag ng mga sumunod na salinlahi ang pagkaing ito bilang “tinapay mula sa Langit” o “tinapay ng mga anghel.”  Inaasahan din ng maraming Judio na sa mga huling araw, muling magpapadala ng manna ang Diyos o ang Mesiyas.  Sinasabi sa isang Kasulatang naglalaman ng aral ng mga Judio:  “Kung paanong nagpadala ng manna ang unang manunubos, magpapadala rin ng manna ang susunod na manunubos.  Kaya’t upang subukin kung totoo ang sinasabi ni Jesus, humihingi ng tanda ang mga Judio:  magpaulan si Jesus ng tinapay na katulad ng manna mula sa Langit.  Pero sinasabi sa kanila ni Jesus na higit na mahalaga kaysa pagkain ang Kanyang mga aral.  Nagbibigay ito ng pagkain sa kaluluwa.  Kaya’t higit na mahalaga na makinig at sumampalataya sa Kanya.  Mga kapanalig, isa sa mabibigat na suliranin ng maraming bansa ang pagkagutom sa pagkain ng maraming tao.  Pero malulutas ito kung tutuparin natin ang turo ni Jesus tungkol sa pag-ibig at pagbabahaginan.  Dapat lamang ibahagi sa iba ang mga pinagkukunan ng kabuhayan at yamang nasa ating mga kamay kung kinikilala natin ang kapangyarihan ng nagbigay.