EBANGHELYO:Juan 21:1-14
Muling ibinunyag ni Jesus ang kanyang sarili sa mga alagad sa may Lawa ng Tiberias. Ibinunyag niya nang paganito. Magkakasamang naroon sina Simon Pedro, Tomas…at dalawa pa sa mga alagad niya. Sinabi sa kanila ni Simon Pedro: “Aalis ako para mangisda…” Nang madaling-araw na, nakatayo si Jesus sa dalampasigan pero hindi nakilala ng mga alagad na si Jesus iyon. Tinatawag sila ni Jesus: “Mga bata, may kaunti kaya kayong makakain?” Sumagot sila sa kanya: “Wala!” Sinabi naman niya sa kanila: “Ihulog n’yo sa may bandang kanan ng bangka ang lambat at makakatagpo kayo.” Kaya inihulog nga nila at hindi na nila makayanang hilahin iyon dahil sa dami ng isda. Kaya sinabi kay Pedro ng alagad na iyon na mahal ni Jesus: “Ang Panginoon siya!”… Kaya nang makalunsad sa lupa, nakita nilang may nagbabagang uling doon, na kinaihawan ng isda at may tinapay. Sinabi sa kanila ni Jesus: “Sinabi sa kanila ni Jesus: “Halikayo’t mag-almusal!” Wala namang makapangahas sa mga alagad na mag-usisa sa kanya: “Kayo ba’y sino?” dahil alam nilang si Jesus iyon. Lumapit si Jesus at kumuha ng tinapay at ipinamahagi sa kanila. Gayundin ang ginawa niya sa isda. Ito ang ikatlong pagpapahayag ni Jesus sa mga alagad matapos siyang ibangon mula sa mga patay.
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Batid natin ang kasabihang, ‘Lukso ng dugo’! Malakas ito lalo ng sa mga ina ng tahanan. Halimbawa, nawalay ang isang anak ng mahabang panahon sa kanyang ina, madalas nakikilala ng ina ang anak sa pamamagitan ng lukso ng dugo. Sa Ebanghelyo ngayon, wala isa man sa mga alagad ang nagtanong kay Hesus kung sino siya habang inalok sila ni Hesus na mag-almusal. Batid nila, na Siya ang kanilang minamahal na Panginoon. Merong lukso ng dugo na umiral sa mga alagad. Sa mga panahon na inilagi sa kanila ni Hesus, batid na nila ang ugali, gawain at kaisipan ng kanilang Panginoon. Kapag minahal mo ang isang tao, nababatid mo ang kanyang nais, ugali at pagkilos… inaako mo ring iyo, ang kanyang prioridad, hinahangad mo rin ang kanyang layunin. Nakikiisa ka sa kanyang mga pangarap. Nawa’y lagi tayong makaisa ni Hesus sa Kanyang mga layunin. Angkinin din nating atin, ang misyon ni Hesus habang tayo’y nabubuhay. Amen.