Daughters of Saint Paul

ABRIL 17, 2022 – LINGGO NG PASKO NG MULING PAGKABUHAY

Aleluya! Alaluya! Aleluya! Happy Easter sa inyong lahat mga kapanalig! Magalak tayo sa Panginoong Muling Nabuhay.Ang Muling Pagkabuhay ng Panginoon ang pundasyon ng ating pananampalataya. Pinatunayan ni Jesus na Siya’y higit na makapangyarihan kaysa sa anumang sala at kamatayan. Salubungin natin ng may sigla at bagong pag-asa ang Ebanghelyo sa Mabuting Balita ngayon.

Ebanghelyo: Juan 20: 1-9

Sa unang araw ng sanlinggo, maagang nagpunta sa libingan si Maria Magdalena, habang madilim pa. Nang makita niyang tinanggal ang bato mula sa libingan, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa isa pang alagad na mahal ni Jesus. “May kumuha sa Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan nila siya inilagay.” Kaya lumabas si Pedro at ang isa pang alagad, at pumunta sa libingan. Sabay na tumakbo ang dalawa. Ngunit mas mabilis tumakbo ang isa pang alagad kaysa kay Pedro, at unang nakarating sa libingan. Pagkayukod niya’y nakita niyang naroroon ang mga telang lino. Ngunit hindi siya pumasok. Dumating si Simon Pedro, na kasunod niya, at pumasok siya sa libingan. Nakita niya na nakalatag ang mga telang lino, at ang panyo namang nakatalukbong sa ulunan niya ay di nakalatag gaya ng mga telang lino kundi nakalulon sa mismong lugar nito. Pumasok noon ang isa pang alagad, ang unang nakarating sa libingan, at nakita niya at naniwala siya. Sapagkat hindi pa nila alam ang Kasulatan na kailangan niyang magbangon mula sa mga patay.

Pagninilay:

Muling nabuhay si Jesus! Aleluya!

Hindi ibig sabihin bumalik uli si Jesus sa Nanay niya sa Israel. Ibang klase ang muling pagkabuhay ni Jesus. Hindi na siya nabuhay tulad ng karaniwang tao. Wala nang sakit, gutom,uhaw, pagkapagod at lungkot. Maluwalhating buhay ang nakamit ni Jesus at nagtagumpay siya hindi para sa kanyang sarili kundi para sa lahat ng tao. Hangad niya na makasunod tayo sa kaluwalhatian ng langit. Habang narito tayo sa lupa, tinatahak natin ang lakbayin ni Maria Magdalena at ng mga apostol. Hindi naging madali unawain ang tunay na nangyari kay Jesus. Noong una’y inakala ni Maria Magdalena  na ninakaw ang bangkay ni Jesus. Mga kayong linong nakatiklop lamang ang nakita ni Simon Pedro. Tanging ang alagad na minamahal ang unang nanalig. Dahil sa tindi ng pagmamahal na naranasan niya kay Jesus, batid niyang hindi sa kamatayan magwawakas ang lahat. Ang pusong minahal ay nakatitiyak na mayroon pang gagawing maganda si Jesus sa bandang dulo.