Daughters of Saint Paul

Abril 17, 2025 – Huwebes Santo sa Paghahapunan ng Panginoon

Ebanghelyo: Juan 13, 1-12

Bago magpiyesta ng Paskuwa, alam ni Hesus na dumating na ang kanyang oras upang tumawid mula sa mundong ito patungo sa Ama, at siya na nagmahal sa mga sariling kanya na nasa mundo, minahal niya sila hanggang sa katapusan. Naghahapunan sila at naipasok na ng diyablo sa isip ni Judas na anak ni Simon Iskariote, na ipagkanulo siya. Alam ni Hesus na ipinagkaloob ng Ama sa kanyang kamay ang lahat, at mula sa Diyos siya galing at sa Diyos siya pabalik. Kaya tumindig siya mula sa hapunan at hinubad ang tunika, at pagkakuha ng tuwalya ay ibinigkis sa sarili. Pagkatapos ay nagbuhos siya ng tubig sa hugasan, at nagpasimulang hugasan ang mga paa ng mga alagad at punasan ng tuwalyang nakabigkis sa kanya. Nang lumapit s’ya kay Simon Pedro sinabi nito sa kanya, “Panginoon, ikaw ba ang maghuhugas sa aking mga paa?” Sumagot si Hesus, “Hindi mo nauunawaan ngayon ang aking ginagawa, ngunit mauunawaan mo makaraan ang mga ito.” Sinabi sa kanya ni Pedro, “Hinding-hindi mo huhugasan ang aking mga paa, magpakailanman.” Sumagot si Hesus sa kanya, “Kung hindi kita huhugasan wala kang kaugnayan sa akin.” Sinabi sa kanya ni Simon Pedro, “Panginoon, hindi lamang ang mga paa ko, kundi pati na ang mga kamay at ulo.” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Mga paa lamang ang kailangang hugasan nang naligo na dahil malinis na ang buo n’yang sarili. Malinis na nga kayo, subalit hindi lahat.” Kilala na ni Hesus kung sino ang magkakanulo sa kanya. Dahil dito kaya niya sinabing: ‘hindi lahat kayo’y malinis’. Kaya nang mahugasan niya ang kanilang paa, kinuha niya ang kanyang tunika, bumalik sa hapag at nagsalita sa kanila: “Nalalaman ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo? Kayo’y tumatawag sa aking ‘Guro’ at ‘Panginoon.’ Tama ang pagsasabi ninyo, dahil ako nga. Kaya kung hinugasan ko ang inyong paa, ako na siyang Panginoon at siyang Guro, gayundin naman kayo dapat maghugasan ng mga paa ng isa’t isa. Isang halimbawa ang ibinigay ko sa inyo upang gawin ninyo gaya ng ginawa ko sa inyo.”

Pagninilay:

Sa Huling Hapunan ng ating Panginoong Hesukristo itinatag niya ang sakramento ng Banal na Eukaristiya at ng Banal na Orden. Kaya naman hindi pwedeng paghiwalayin ang Banal na Eukaristiya at ang Banal na Orden. Walang Eukaristiya kung walang pari. Kung walang pari wala ring Eukaristiya. Kaya naman sa araw na ito, batiin natin ang ating mga paroko at mga kaibigan nating pari ng Happy Priest’s Day.

Mga kapanalig, sa huling hapunan, ipinakita rin sa atin ng Panginoon ang kahalagahan ng paglilingkod at pagmamahal sa pamamagitan ng paghuhugas niya ng paa ng kanyang mga alagad. Hindi nila ito maunawaan sapagkat naka-kundisyon na sa kanilang isipan na kailanman hindi pwedeng magsilbi ang guro sa kanyang mga alagad. Kaya naman binasag ng Panginoon ang ganitong kaisipan. Sinabi ni Hesus: “Tinawag ninyo akong Guro at Panginoon, at tama kayo, sapagkat ako nga. Kung akong Panginoon ninyo at Guro ay naghugas ng inyong mga paa, dapat rin kayong maghugasan ng paa. Binigyan ko kayo ng halimbawa at ito’y dapat ninyong tularan.” Ito ang nangyayari sa tuwing nagdiriwang tayo ng Banal na Eukaristiya. Hindi lang natin basta-basta tinatanggap o kinakain ang banal na presensya ng ating Panginoong Hesukristo sa banal na Komunyon. Tinatanggap at kinakain rin natin ang uri ng kanyang pamumuhay: ang pagiging maawain, mahabagin at mapagmahal. Kaya naman pagkatapos ng misa, sinusugo tayo: “Tapos na ang banal na misa, humayo kayong taglay ang kapayapaan at pagmamahal ng ating Panginoong Hesukristo.” Makita nawa ang epekto ng Eukaristiya sa ating buhay – ang buhay ng pagsisilbi at pagmamahal.