Gawa 2:36-41 – Slm 33 – Jn 20:11-18
Jn 20:11-18
Nanatili sa labas ng libingan si Maria na tumatangis. Habang tumatangis siya, yumukod siyang nakatanaw sa libingan. At may nakita siyang dalawang anghel na nakaputi na nakaupo, nasa may ulunan ang isa at ang ikalawa nama'y nasa may paanan ng kinalagakan ng bangkay ni Jesus.
Sinabi sa kanya ng mga iyon: “Ale, bakit ka tumatangis?” Sinabi niya sa kanila: “May kumuha sa Panginoon ko, at hindi ko alam kung saan siya inilagak.” Pagkasabi niya ng mga ito, tumalikod siya at nakita niya si Jesus na nakatayo. Ngunit hindi niya nakilalang si Jesus iyon.
Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ale, bakit ka tumatangis? Sinong hinahanap mo?” Sa pag-aakala niyang iyon ang hardinero, sinabi niya sa kanya: “Ginoo, kung kayo ang nagdala sa kanya, sabihin n'yo sa akin kung saan n'yo siya inilagay, at kukunin ko siya.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Maria!” Pagkaharap niya ay winika niya sa kanya sa Aramaiko: “Rabbouni” (na ang ibig sabihin ay Guro). Sinabi sa kanya ni Jesus: “Huwag mo na akong pigilin sapagkat hindi pa ako nakaaakyat sa aking Ama. Puntahan mo ang mga kapatid ko at sabihin sa kanila: 'Paakyat ako sa Ama ko at Ama n'yo, sa Diyos ko at Diyos n'yo.'”
Pumunta si Maria Magdalena, na nagbalita sa mga alagad: “Nakita ko ang Panginoon. At ito ang sinabi niya sa akin.”
PAGNINILAY
Mga kapatid, nasa harap na ni Maria si Jesus pero hindi niya Siya nakilala. Subsob kasi siya sa kanyang pagtangis at labis na kalungkutan. Madalas nangyayari din ito sa ating buhay. Dahil sa sobrang nating pagka-abala at pagkabalisa sa maraming bagay, minsan hindi natin napapansin ang mahiwagang pagkilos ng Panginon. Kumikilos ang Panginoon sa pamamagitan ng mga taong nagmamalasakit at tumutulong sa atin, sa mga taong nagpapalakas ng ating loob, sa Kanyang salitang nagbibigay liwanag sa panahon ng kadilliman. Katulad ni Maria dalawang bagay ang kailangan natin para makilala si Jesus. Una, dapat nating marinig ang tanong ni Jesus na muling nabuhay: “Bakit ka umiiyak? Ano ang hinahanap mo?” May mga pagkakataon ding mabigat ang ating loob; malungkot tayo at parang may kung anong kulang sa ating buhay. Pero mulat ba tayo kung bakit tayo umiiyak at malungkot? Kapatid, personal kang tinatawag ni Jesus sa iyong pangalan. Pakinggan mo ang Kanyang tinig at pakiramdaman ang pagtawag Niya sa iyo. At mabubuksan ang iyong mga mata para makilala ang Panginoong muling nabuhay.