Daughters of Saint Paul

Abril 18, 2018 Miyerkules Sa Ika-3 Linggo Ng Pasko Ng Pagkabuhay

Juan 6:35-40

Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Ako ang tinapay ng buhay. Hinding-hindi magugutom ang lumalapit sa akin at hindi mauuhaw kailanman ang naniniwala sa akin. Pero sinabi ko sa inyo: Nakita na ninyo at hindi kayo naniniwala. “Lalapit sa akin ang anumang ibinibigay sa akin ng Ama, at hinding-hindi ko ipagtatabuyan sa labas ang lumalapit sa akin. Sapagkat pumanaog ako mula sa Langit hindi upang gawin ang kalooban ko kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin. “Ito ang kalooban ng nagsugo sa akin na huwag kong pabayaang mawala ang anumang ibinigay niya sa akin; sa halip ay ibabangon ko ito sa huling araw. Ito ang kalooban ng akingAma: ang bawat nakasaksi sa Anak at naniniwala sa kanya ay may buhay na walang hanggan, at ibabangon ko siya sa huling araw.”

PAGNINILAY:

 “Ako ang tinapay ng buhay!”  Sa pananalitang ito ng Panginoong Jesus, nais Niyang sabihin sa atin na Siya ang karunungan ng Diyos na bumaba sa mundo.  Nasusulat sa aklat ng Kasabihan:  “Halikayo’t kumain ng tinapay na aking handa at uminom ng alak na aking tinimpla.  Talikdan ang kamangmangan at kayo’y mabubuhay; lumakad sa daan ng pagkaunawa… dahil sa akin, lalawig ang iyong mga araw at madaragdagan ng mga taon ang iyong buhay.” Bilang karunungan ng Diyos, hindi lang alituntunin sa buhay ang handog ni Jesus kundi pagbubunyag ng hiwaga ng Diyos at pinakadakilang karunungang maka-Diyos.  Sa pamamagitan lang ng pananampalataya matatanggap ng mga tao si Jesus bilang tinapay ng buhay o karunungan ng Diyos.  Kamatayan ang naghihintay sa mga hindi tatanggap sa Kanya at walang hanggang buhay naman ang nakalaan sa makauunawa sa hiwaga ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesus.  Mga kapanalig, paano binabago ang buhay mo ng Katawan ni Kristo na iyong tinatanggap sa Eukaristiya?  Alalahanin natin, na sa bawat pagtanggap natin ng Ostiya sa Banal na Komunyon, ang katawan mismo ng Panginoong Jesus ang tinatanggap natin.   Isang napakabanal na pagkain ng ating kaluluwa.  Kaya’t kung nakikinabang tayo sa Tinapay ng Buhay tuwing Komunyon, dapat ang Panginoong Jesus ang nakikita sa buhay natin.  Dapat Siya ang matingkad na puwersang dumadaloy sa ating pagkatao.  Kaya’t nakapagtataka kapag simba tayo ng simba, at lagi namang nangungumonyun – pero patuloy tayo sa masamang gawain – nandaraya ng kapwa, nagpapakalat ng kasinungalingan, namumuhay ng immoral, at kung anu-ano pa?  Tinatawagan tayo ng Ebanghelyo ngayon, na maging buhay na saksi tayo ng Kanyang pananatili sa kasalukuyang panahon.  Hayaan natin Siyang maghari sa ating puso.  Magagawa natin ito kung lagi tayong nananalangin, nagbabasa ng Kanyang Salita at nagsusumikap na isabuhay ang Kanyang mga turo sa tulong ng Banal na Espiritu.