Daughters of Saint Paul

ABRIL 18, 2020 – SABADO SA OKTABA NG PASKO NG PAGKABUHAY

EBANGHELYO:Marcos 16:9-15

Pagkabuhay ni Jesus sa unang araw ng sanlinggo, una siyang nagpakita kay Maria Magdalena na mula rito’y pitong demonyo ang pinalayas niya. Umalis siya at ibinalita ito sa mga kasama ni Jesus na noo’y umiiyak at nagluluksa. Ngunit hindi sila naniwala sa kanya nang marinig nilang buhay si Jesus at nagpakita sa kanya. Pagkatapos nito, nagpakita naman si Jesus sa ibang anyo sa dalawa sa habang papunta sila sa labas ng bayan. At pagbalik nila, ibinalita rin nila ito sa iba pa pero hindi rin sila naniwala sa kanila. Sa dakong huli, nang nasa hapag ang Labing-isa, nagpakita sa kanila si Jesus at pinagsabihan sila dahil sa kawalang-paniwala nila at katigasan ng puso: hindi nga nila pinaniniwalaan ang mga nakakita sa kanya matapos siyang buhayin. At sinabi sa kanila: “Pumunta kayo sa buong daigdig at ipahayag ang Ebanghelyo sa buong sangkinapal.”

PAGNINILAY:

Narinig nating inilahad ng Ebanghelyo ni San Markos, ang tatlong tagpo ng pagpapakita ng Panginoon.  Una, kay Maria Magdalena na agad pumunta sa mga alagad para ibalita na nakita niya ang Panginoon; pangalawa, sa dalawang alagad papuntang Emmaus na agad ding bumalik para ibalita sa iba kung ano ang nangyari sa daan; at ang pangatlo, napakita Siya sa Labing-isa at tinanggap nila ang tungkuling humayo sa buong mundo at ipahayag ang Mabuting Balita.  Mga kapatid, hindi man natin nakita at nakasama ang Panginoong Jesus habang Siya’y nabubuhay pa, katulad ng naranasan ng mga alagad, pero bilang Kanyang mananampalataya nananalig tayong tunay Siyang buhay at nananahan sa ating piling.  Nananatili Siya sa Banal na Sakramento.  At sa tuwing nakikinabang tayo sa Kanyang katawan at dugo sa Banal na Komunyon, mismong si Kristo ang tinatanggap natin.  Kaya nga pagkatapos ng pagdiriwang ng Banal na Misa, inaatasan tayo ng pari na humayo at maging tagapagpalaganap ng Mabuting Balita. Paano ba tayo tumutugon sa panawagang maging tagapagpalaganap ng Mabuting Balita?  Ang araw-araw nating pagsisikap na mamuhay sa pag-ibig sa Diyos nang higit sa lahat, at pag-ibig sa kapwa gaya ng sarili; ang pagharap natin sa mga suliranin nang may pagtitiwala at pag-asa sa kabutihang-loob ng Diyos; ang pananatiling positibo at payapa ng kalooban sa kabila ng mga dinaranas na pagsubok sa buhay – ang ilan lamang paraan ng pagsaksi natin sa Panginoong Jesus na Muling Nabuhay.  

PANALANGIN:

Panginoon, tulungan Mo akong maging buhay na saksi ng Iyong pananatili sa kasalukuyang panahon.  Amen.