Magtiwala sa winika ni Jesus, “ Huwag kang matakot” Kung gaano kalaki ang ating tiwala ganoon din ang ating gantimpala! Aleluya! Maligayang araw ng Lunes sa Oktaba ng Paskong Pagkabuhay.Magalak tayo sa Panginoong muling nabuhay. Sr. Amelyne Paglinawan po, ng Daughters of St. Paul na nag aanyayang samahan kami sa pakikinig sa Ebanghelyong nagbibigay sa atin ng panibagong lakas lalo na sa panahon ng krisis at pagsubok sa buhay. Pakinggan natin ang Mabuting Balita ngayon.
Ebanghelyo: Mateo 28: 8-15
Agad na iniwan ng mga babae ang libingan na natatakot at labis na nagagalak, at tumakbo sila para balitaan ang kanyang mga alagad. Nakasalubong nila sa daan si Jesus at sinabi niya: “Kapayapaan.” Paglapit sa kanya ng mga babae, niyakap nila ang kanyang mga paa at sinamba siya. Sinabi naman ni Jesus sa kanila: “Huwag kayong matakot. Humayo kayo at sabihin sa aking mga kapatid na pumunta sila sa Galilea; doon nila ako makikita.” Samantalang pabalik ang mga babae, nagbalik naman sa lunsod ang ilang mga bantay at ibinalita sa mga Punong-pari ang lahat ng nangyari. Nakipag-usap naman ang mga ito sa mga Matatanda ng bayan kaya kumuha sila ng sapat na halaga at ibinigay sa mga sundalo, at tinagubilinan silang “Sabihin ninyong dumating nang gabi ang kanyang mga alagad at ninakaw ang katawan habang natutulog kayo. Kung mabalitaan ito ng gobernador, kami ang bahala sa kanya at hindi kayo magkakaproblema.” Tinanggap ng mga sundalo ang pera at ginawa ang itinuro sa kanila; at laganap pa hanggang ngayon ang kuwentong ito sa mga Judio.
Pagninilay:
Pagkapasok mo pa lang sa isa sa mga lobby sa Loyola School of Theology sa Ateneo, sasalubungin ka ng isang painting. Ito yung interpretasyon ng tradisyon ng “Salubong” sa Angono, Rizal ni National Artist Nominee, Jose “Pitok” Blanco. Maganda at malalim ang pakahulugan ng painting. Litaw na litaw ang pagsasanib at paghahalo ng Kristiyanismo at Kulturang Pilipino. Nage-evoke ng masaya, magaan, at magandang emosyon. Surreal. ‘Pagkat sa kabila ng masalimuot na proseso ng paghuhulmang pinagdaraanan ng isang mag-aaral ng teolohiya, gaya ko, narito’t sinasalubong ako ng araw-araw na paalala kung bakit ako patuloy na nakikibaka. Paalalang, araw-araw man akong makaranas ng kamatayan, araw-araw rin akong muling mabubuhay tulad ng muling pagkabuhay ni Hesus, pag-salubong sa kanyang ina AT pakikihalubilo pa nga sa kanyang mga kaibigan. Mga bagay na palagi kong nakalilimutan O SADYANG kinalilimutan. Ganito rin ang kalagayang pinagdaraanan ng mga tauhan sa mga pagbasa. Kitang-kita ang reaksyon ng mga karakter ukol sa muling pagkabuhay ni Hesus. Sa ebanghelyo, mas piniling magsinungaling ng mga Punong-pari, pawang mga hudyo, at ipakalat ang balitang ninakaw ng mga alagad ang katawan ni Hesus. Sa unang pagbasa naman, si Pedro, isang Hudyo, ipinahayag sa kanyang mga kapatid na Hudyo rin na buhay si Hesus at pinatototohanan pang angkop ang propesiya ni at kay Haring David sa katauhan ni Hesus sapagkat si David ay namatay at may libingan ngunit si Hesus, muling nabuhay at ngayoo’y kanilang kapiling. Mga kapanalig, ngayon, tayo naman ang nahaharap sa katotohanan ng muling pagkabuhay. Alam na alam, kitang kita na natin na buhay na buhay si Hesus, ang ating Panginoon, kapatid, at kaibigan. Pipiliin pa rin ba nating paniwalaan na patay si Hesus? O, buong puso at tahasan nating ipahahayag ito? Salubungin natin ang buhay kapiling ang muling nabuhay na Hesus, Aleluya, Aleluya!