Daughters of Saint Paul

Abril 18, 2025 – Biyernes Santo sa Pagpapakasakit ng Panginoon

Ebanghelyo: Juan 18:1—19:42

Nangakatayo naman sa tabi ng krus ni Hesus ang kanyang ina at ang kapatid na babae ng ina niya, si Mariang asawa ni Cleofas at si Maria Magdalena. Kaya pagkakita ni Hesus sa Ina at sa kanyang mahal na alagad na nakatayo sa tabi, sinabi niya sa Ina: “Babae, hayan ang anak mo!” Pagkatapos ay sinabi naman niya sa alagad: “Hayan ang iyong ina.” At mula sa oras na iyo’y tinanggap siya ng alagad sa kanila. Pagkaraan nito, nakita ni Hesus na natupad na ang lahat. Ngunit kailangang maganap ang isa pang Kasulatan, at sinabi niya: “Nauuhaw ako!” May sisidlan naman doon na puno ng mapait na alak. Kaya ikinabit nila sa isopo ang esponghang ibinabad sa alak at idiniit nila sa kanyang bibig. Pagkasipsip ni Hesus ng alak, sinabi niya: “Natupad na!” At pagkayuko ng ulo ibinigay n’ya ang espiritu. Ayaw ng mga Judio na manatili sa krus ang mga bangkay sa Araw ng Pahinga. Paghahanda ng Paskuwa noon, kaya mas dakila pa ang Araw na iyon ng Pahinga. At hiniling nila kay Pilato na baliin ang mga binti ng mga nasa krus at saka alisin ang mga bangkay. Kaya pumaroon ang mga sundalo. Binali nila ang mga binti ng una at pati ng ikalawa na kasama niyang ipinako sa krus. Pagsapit naman nila kay Hesus, nakita nilang patay na siya kaya hindi nila binali ang kanyang mga binti. Gayunma’y sinibat ng isa sa mga sundalo ang kanyang tagiliran at umagos ang dugo at tubig. Ang nakasaksi ang nagpapatunay, at totoo ang kanyang patunay. At siya ang nakaaalam na totoo ang kanyang sinasabi kaya maniwala kayo.

Pagninilay:

GOOD FRIDAY po ngayon; bakit GOOD? Dahil highlight po ngayon ang dakilang kabutihan ng Diyos Ama—ang nag-uumapaw na awa, pagpapala, pagliligtas na magaganap sa Krus, sa pagpapakasakit at pagkamatay ni Hesus—lahat ng ito po ay ang dakilang kabutihan ng ating Diyos.

Ayon po kina Seneca at Cicero mga historians, kadalasang pinuputulan ng dila ang mga taong ipapako sa Krus. Bakit? 1. Dahil puro mura ang kanilang sinasabi. 2. Dahil ibinubunyag nila lahat ng sikretong kanilang nalalaman.

Iba ho ang ating Panginoong Hesus. Sabi po sa Unang Pagbasa na siyang disposisyon po ni Hesus: “Ang makapangyarihang Diyos ang tutulong sakin. Hindi ako maghihi-magsik, ni tatalikod sa kanya.”

Kaya nga ang pagpapakasakit ni Hesus ay hindi lamang “sapat” kundi talagang lubus-lubusang pagbibigay ng kanyang sarili—ng kabutihan at pag-ibig ng Diyos para sa misyon ng pagliligtas. Pag-ibig ang sagot niya sa lahat ng hampas, kutya, dura, pangmamaliit, mura, pagtalikod ng mga kaibigan, at lahat ng maaaring masasakit na bagay na pwede niyang pagdaanan. Ngunit, hindi siya naghimagsik, hindi siya tumalikod—dahil pag-ibig ng Ama ang tanging laman ng puso ni Hesus. He never felt unloved.

Mga kapanalig. Ito siguro ang hamon ng bawat Biyernes Santo sa ating buhay: Hayaan mong paminsan-minsan sampalin ka ng unos ng buhay. Hindi naman pinangako ni Hesus na magiging madali ang lahat, ang sinabi niya’y kasama natin siya. Hindi tayo tinuturuan na maging duwag. Tinuturuan tayong manindigan na may Diyos na patuloy na uunawa’t magmamahal. Kahit kinukutya at pinapahirapan tayo ng mga ganid at bulaan, tandaan nating mananaig ang Kabutihan at Katotohanan.

We cannot claim that we are an Easter people, without passing through Good Friday. Kasi kung shortcut ka, parang walang saysay, parang walang lalim, parang wala kang pinanindigan. Life is tough, but we need to be tougher! Jesus experienced it all—because, even when the cross of life seems heavy—with God—we cannot feel unloved. We are loved.