EBANGHELYO: Juan 18:1 – 19:42
Nangakatayo naman sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina at ang kapatid na babae ng ina niya, si Mariang asawa ni Cleofas at si Maria Magdalena. Kaya pagkakita ni Jesus sa Ina at sa kanyang mahal na alagad na nakatayo sa tabi, sinabi niya sa Ina: “Babae, hayan ang anak mo!” Pagkatapos ay sinabi naman niya sa alagad: “Hayan ang iyong ina.” At mula sa oras na iyo'y tinanggap siya ng alagad sa kanila. Pagkaraan nito, nakita ni Jesus na natupad na ang lahat. Ngunit kailangang maganap ang isa pang Kasulatan, at sinabi niya: “Nauuhaw ako!” May sisidlan naman doon na puno ng mapait na alak. Kaya ikinabit nila sa isopo ang esponghang ibinabad sa alak at idiniit nila sa kanyang bibig. Pagkasipsip ni Jesus ng alak, sinabi niya: “Natupad na!” At pagkayuko ng ulo ibinigay ang espiritu. Ayaw ng mga Judio na manatili sa krus ang mga bangkay sa Araw ng Pahinga. Paghahanda ng Paskuwa noon, kaya mas dakila pa ang Araw na iyon ng Pahinga. At hiniling nila kay Pilato na baliin ang mga binti ng mga nasa krus at saka alisin ang mga bangkay. Kaya pumaroon ang mga sundalo. Binali nila ang mga binti ng una at pati ng ikalawa na kasama niyang ipinako sa krus. Ngunit pagkasapit nila kay Jesus, nakita nilang patay na siya kaya hindi nila binali ang kanyang mga binti. Gayunma'y sinibat ng isa sa mga sundalo ang kanyang tagiliran at umagos ang dugo at tubig. Ang nakasaksi ang nagpapatunay, at totoo ang kanyang patunay. At siya ang nakaaalam na totoo ang kanyang sinasabi kaya maniwala kayo.
PAGNINILAY:
May isang sipi na nagpapayong, “Huwag mamuhi kaninuman gaano man ang pagkakasala nila sa iyo. Mamuhay nang payak gaano ka man maging mayaman. Maging positibo gaano man kahirap ang buhay. Magbigay nang marami kahit kaunti lang ang iyong natatanggap. Patawarin ang lahat lalo na ang iyong sarili. At huwag tumigil sa pagdarasal para sa kabutihan ng lahat.” Ngayong Biyernes Santo, naganap na ang buong pusong pag-aalay ni Jesus ng buhay para sa lahat, sa lahat ng panahon.
PANALANGIN:
O Jesus, loobin mong mamuhay ako nang karapatdapat sa dakilang handog ng buhay na ipinagkaloob mo sa akin, Amen. -Dr.Lilia Antonio, Ph.D