Daughters of Saint Paul

ABRIL 19, 2021 – LUNES SA IKATLONG LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

EBANGHELYO: Jn 6:22-29

Napuna ng mga taong nakatayo sa kabilang ibayo ng lawa na walang bangka noon sa lugar na iyon kundi isa lang at hindi sumakay si Jesus sa bangkang ito kasama ang kanyang mga alagad. Ngunit ang ilang malaking bangkang galing Tiberias ay dumating malapit sa lugar na kinainan nila ng tinapay sa pagpapasalamat ng Panginoon. Kaya nang mapuna ng mga tao na wala roon si Jesus at ang mga alagad niya, sumakay sila sa mga bangka at pumunta sa Capernaum para hanapin si Jesus. Nang matagpuan nila siya sa kabilang ibayo ng lawa, sinabi nila sa kanya, “Guro, kailan ka pumarito?” Nagsalita sa kanila si Jesus at sinabi: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, hinahanap ninyo ako hindi dahil sa nakita ninyo sa mga tanda kundi dahil sa tinapay na kinain ninyo at kayo ay nangabusog. Magtrabaho kayo, hindi nga para sa pagkaing nasisira kundi para sa pagkaing nananatili at nagbubunga ng buhay na walang hanggan. Ito ang ibibigay ng Anak ng Tao sa inyo; siya nga ang tinatakan ng Diyos Ama.” “Ano ang matatrabaho namin para maisagawa ang mga ipinagagawa ng Diyos?” “Ito ang ipinagagawa ng Diyos: maniwala kayo sa sinugo niya.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Narinig nating tinanong si Hesus ng mga tao: “Ano pa ba ang dapat naming gawin upang aming maganap ang kalooban ng Diyos?” Ang tugon ni Hesus,     “manalig kayo sa sinugo niya.” Pero sa unang bahagi ng pagbasa, ipinakita sa atin na kaya lamang sumusunod kay Hesus ang mga tao ay sa kadahilanang sila’y nabusog matapos kumain ng tinapay, doon sa pagkakataong nagparami ng tinapay ang Panginoong Hesus. Kapatid, sa ating buhay, madalas madali tayong manampalataya kay Hesus kung maayos ang lahat at wala tayong mabigat na suliranin. Pero, huwag sana nating palampasin na sa mga oras at panahon na ang ating pananampalataya ay sinusubukan, nabubuksan ang pinto sa mas malalim na ugnayan natin sa Diyos/ kung tayo’y lubos na mananalangin at sasampalataya sa Kanya. Sa mga panahon ng suliranin sa buhay, lalo tayong kumapit sa mga kamay ng Diyos. Lagi nawa nating alalahanin, na ang mga panahong ito ng Muling Pagkabuhay ni Hesus ay bunga ng Kanyang pagsunod sa kalooban ng Ama. Ang paghihirap ni Hesus, kamatayan sa krus ay nagbunga din para sa atin ng panibagong buhay. Harinawa, dalangin ko, patatagin ng Diyos ang ating pananampalataya sa Kanya. Amen. Amen.