Daughters of Saint Paul

ABRIL 2, 2022 – SABADO SA IKA- IKAAPAT NA LINGGO NG KUWARESMA

Maligayang araw ng Sabado sa Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma.  Kumusta po kayo? Harinawang nasa mabuti kayong kalagayan, at puspos ng biyaya at pagpapala ng Diyos. Ako po si Sr. Amelyne Paglinawan ng Daughters of St. Paul. Sama-sama nating salubungin ang Mabuting Balita na magbibigay sa atin ng gabay sa araw na ito.

Ebanghelyo: Juan 7, 40 – 53

May nagsabi mula sa maraming taong nakarinig sa mga salita ni Jesus: “Totoo ngang ito ang Propeta.” Sinabi naman ng iba: “Ito ang Kristo.” Ngunit itinanong ng iba: “Sa Galilea ba manggagaling ang Kristo? Hindi ba’t sinabi ng Kasulatan, na mula sa binhi ni David ang Kristo?” Kaya nahati ang mga tao dahil sa kanya. Balak ng ilan sa kanila na dakpin siya ngunit walang nagbuhat ng kamay sa kanya. Kaya bumalik ang mga bantay ng Templo sa mga Punong-pari at mga Pariseo, at sinabi ng mga ito sa kanila: “Bakit hindi n’yo siya dala?” Sumagot ang mga bantay: “Kailanma’y wala pang taong nangusap nang ganito.” Kaya sinabi ng mga Pariseo sa kanila: “Nalinlang din pala kayo! May mga pinuno ba o Pariseong naniwala sa kanya? Pero ang mga taong ito na hindi alam ang Batas: sila’y isinumpa!” Nagsalita ang isa sa kanila, si Nicodemo. Siya ang nagpunta kay Jesus noong una. At sinabi niya: “Hinahatulan ba ng ating Batas ang sinuman nang hindi muna siya dinidinig upang alamin ang kanyang ginawa? Sumagot sila sa kanya: “Taga-Galilea ka rin ba? Saliksikin mo nga at tingnan na hindi babangon mula sa Galilea ang Propeta.”  At umuwi ang bawat isa sa kanila.

Pagninilay:

May kasabihan tayong mga Filipino, “Nahuhuli ang isda sa bibig.” Nangangahulugan ito na madalas nating mahuli ang ugali o ginagawa at saloobin ng isang tao batay sa kanyang mga sinasabi o sa mga salitang nagmumula sa kanyang bibig. Kaya nga madalas na nagagamit ang kasabihang ito sa mga hindi nagsasabi ng totoo o yung mga mga itinatagong lihim. Madudulas at madudulas at mahuhuli sa pananalita ng tao ang kung anong totoo. Sa ating karanasan pa, makikita na may mga taong mahusay manalita na sumasalamin sa kanilang mga pinag-aralan at karakter. Mayroon namang labis ang talim ng dila sa pagsasalita na animo’y laging palaban at makikipagtalo. Mayroon namang malumanay at laging kalmado. Iba’t-iba man ang paraan ng mga tao sa pagsasalita, mahalagang makita na sumasalamin sa atin mismong pagkatao ang mga salitang namumutawi sa ating mga labi. Ito marahil ang nabakas ng mga kawal na bantay ng templo nang kanilang sabihin na “Wala pa pong nagsalita gaya niya!” Noong inilalarawan nila si Hesus sa mga punong saserdote at mga pariseo. Sa pakikinig ng mga tao, damang-dama nila mula sa pagsasalita ni Hesus ang Katotohanan, ang sinseridad. Sa kanilang pakikinig, naliliwanagan sila at nabibigyang direksiyon tungo sa tunay at tamang daan. Higit sa lahat nabubuhayan sila ng diwa at kaluluwa sa mga salitang nagmumula kay Hesus.  Nadama maging ng mga kawal na bantay ng templo ang natatangi at dalisay na kapangyarihan mula kay Hesus, mula sa kanyang pagsasalita. Higit pa sa karaniwang mga naririnig nilang pangaral o mga batas ng templo, mas tumitimo ang mensahe ng mga sinasabi ni Hesus sa kanila. Wika nga sa kasabihan ng pakikipagtalastasan, “makikita sa pamamaraan ng ating komunikasyon ang nilalaman ng ating puso at sa pag-uumapaw ng puso, magwiwika ang mga labi.” Umaapaw sa puso ni Hesus ang Daan, Katotohanan at Buhay. Ito ang dumadaloy patungo sa lahat ng sa kaniya ay nakakarinig at tumatalima sa bawat Niyang paanyaya. Mga kapatid, nakikinig ba tayo sa mensahe ni Hesus sa ating buhay? Huwag na tayong mag-alinlangan, dinggin natin ang tinig ni Hesus, ang tunay at tapat na Salita ng Diyos.