Daughters of Saint Paul

Abril 2, 2024 – Martes sa Oktaba ng Pasko ng Pagkabuhay

Ebanghelyo: Jn 20:11-18

Nanatili sa labas ng libingan si Maria na tumatangis. Habang tumatangis siya, yumukod siyang nakatanaw sa libingan. At may nakita siyang dalawang anghel na nakaputi na nakaupo, nasa may ulunan ang isa at ang ikalawa nama’y nasa may paanan ng kinalagakan ng bangkay ni Jesus. Sinabi sa kanya ng mga iyon: “Ale, bakit ka tumatangis?” Sinabi niya sa kanila: “May kumuha sa Panginoon ko, at hindi ko alam kung saan siya inilagak.” Pagkasabi niya ng mga ito, tumalikod siya at nakita niya si Jesus na nakatayo. Ngunit hindi niya nakilalang si Jesus iyon. Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ale, bakit ka tumatangis? Sinong hinahanap mo” Sa pag-aakala niyang iyon ang hardinero, sinabi niya sa kanya: “Ginoo, kung kayo ang nagdala sa kanya, sabihin n’yo sa akin kung saan n’yo siya inilagay, at kukunin ko siya.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Maria!” Pagkaharap niya ay winika niya sa kanya sa Aramaiko: “Rabbouni” (na ang ibig sabihin ay Guro). Sinabi sa kanya ni Jesus: “Huwag mo na akong pigilin sapagkat hindi pa ako nakaaakyat sa aking Ama. Puntahan mo ang mga kapatid ko at sabihin sa kanila: ‘Paakyat ako sa Ama ko at Ama n’yo, sa Diyos ko at Diyos n’yo.’” Pumunta si Maria Magdalena, na nagbalita sa mga alagad: “Nakita ko ang Panginoon. At ito ang sinabi niya sa akin.”

Pagninilay:

Isinulat ni Fr. Ramil Tapang ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Sa ating pagpapatuloy sa Octave of Easter, makikita natin si Maria Magdalena na iyak ng iyak, dahil sa pagkamatay ni Hesus. Na-iimagine ko tuloy ang kalunos-lunos na kalagayan ni Maria—tulala, nananaghoy, hinahanap ang katawan ni Hesus. Marahil, nagtatanong pa kung bakit nangyayari ang lahat ng mga ito. Nangangapa ng sagot. Naghahanap ng lakas at nakatuon sa kumakalat na fake news, na ninakaw ang katawan ng Dakilang Maestro. Kung kayat kahit binigyan na siya ng sagot ng anghel at ni Hesus mismo, nalilito pa rin si Maria Magdalena. Nakababad pa rin siya sa kasinungalingan at libingan; at hindi sa pangako ni Hesus na muling nabuhay.  Mga kapatid, marahil may mga ilan sa atin, ang tulad ni Maria Magdalena, nakababad sa lungkot at kawalan ng pag-asa sa buhay. Akala ay wala nang patutunguhan. To make things worst, may mga ilan na kumakapit pa rin sa patalim: drugs, pagpatay, pagnanakaw, kayabangan, panloloko at marami pang iba. Kapanalig, huwag! Sabi nga diba? Sa panahon nang lumbay, “dumaan ka lang at huwag tumambay.” Kaya nga mas gusto kong gamitin ang salitang pagsubok, kasi sinusubok ka lang upang lalong magtiwala sa Diyos, at lumakas ang tiwala sa sarili, upang malampasan ang anumang pinagdadaanan. Manalig tayo sa Diyos, sa kanyang pangako, at hindi sa kasinungalingan ng mundo.