Daughters of Saint Paul

Abril 2, 2025 – Miyerkules | Ika-4 na Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda

Ebanghelyo: JUAN 5,17-30

Sumagot si Hesus sa mga Judio: “Kumikilos pa rin ang aking Ama kaya’t kumikilos din ako.” Kaya lalo pa ring hinangad ng mga Judio na patayin siya dahil dito, sapagkat hindi lamang niya nilalabag ang Araw ng Pahinga, kundi sariling Ama pa ang tawag niya sa Diyos, at ipinapantay niya ang sarili sa Diyos. Kaya sumagot si Hesus at sinabi sa kanila: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, hindi makagagawa ang Anak ng anuman mula sa kanyang sarili maliban sa nakikita niyang ginagawa ng Ama. Anuman ang gawin niya, paganoon din ang paggawa ng Anak. Sapagkat mahal ng Ama ang Anak, at itinuro niya sa kanya ang lahat niyang ginagawa. At mas mahalaga pang mga kilos ang ituturo niya kayat magtataka kayo. Ibinabangon nga ng Ama ang mga patay at nagbibigay-buhay siya; gayundin naman binubuhay ng Anak ang sinumang loobin niya. At hindi nga hinahatulan ng Ama ang sinuman, kundi ibinigay niya ang buong paghatol sa Anak, upang parangalan ng lahat ang Anak gaya ng pagpaparangal nila sa Ama. Ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Amang nag-sugo sa kanya. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na may buhay na walang hanggan ang nakikinig sa salita ko at naniniwala sa nagsugo sa akin. Nakatawid na siya mula sa kamatayan tungo sa buhay, at hindi siya humahantong sa paghuhukom. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na dumarating na ang oras, at ngayon na nga, kaya’t maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Tao at mabubuhay ang mga nakaririnig. May buhay ang Ama sa kanyang sarili, gayundin naman ibinigay niya sa Anak na magkaroon ng buhay sa kanyang sarili. At ibinigay din niya sa kanya ang kapangyarihang maghukom, sapagkat Anak siya ng Tao. Huwag ninyo itong pagtakhan: dumarating ang oras na maririnig ng lahat ng nasa libingan ang tinig niya at maglalabasan sila: papunta sa pagbangon sa buhay ang mga gumawa ng mabuti, at sa pagbangon naman sa kapahamakan papunta ang mga gumawa ng masama. Wala akong magagawa sa ganang sarili. Naghuhukom ako ayon sa aking naririnig. At matuwid ang paghuhukom ko sapagkat hindi sariling kalooban ang hinahanap ko kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.

Pagninilay:

Ibinahagi po si Fr. Oliver Par ng Society of St. Paul sa ating pagninilay.

Bakit ka ba sumusunod sa utos ng Diyos? Dahil ba takot kang maparusahan? Dahil ayaw mong malasin sa buhay? Dahil ayaw mong mapunta sa impyerno? Kung takot lamang ang nagtutulak sa atin upang sumunod sa Diyos, marahil kailangan nating pagnilayan ang sinabi ni Hesus sa ating Ebanghelyo ngayon.

Ayon sa ating narinig, dahil mahal ni Hesus ang Kanyang Amang nasa Langit, sinusunod Niya ang Kalooban nito. Hindi takot ang nagtulak sa Kanya upang ialay ang Kanyang buhay para sa ating kaligtasan, kundi dalisay na pagmamahal.

Ang ganitong katapatan sa misyon, kahit pa kapalit ang sariling buhay, ay maaari lamang magmula sa pagmamahal na walang kondisyon. Ang ganitong uri ng sakripisyo, maging ang pag-aalay ng sariling buhay, ay maaari lamang maging bunga ng wagas at tunay na pag-ibig.

Kaya’t ang tunay na pagsunod ay nagmumula sa pag-ibig. Ang tunay na nagmamahal sa Diyos ay handang sumunod sa Kanyang mga utos, kahit pa’ mangahulugan ito ng sakripisyo. Tingnan natin ang landas na tinahak ni Hesus—isang landas ng pag-ibig at pagsasakripisyo para sa iba.

Hindi lubos na nauunawaan ng mundong makasalanan ang kapangyarihan ng pagmamahal. Ngunit sa taong tunay na nagmamahal, nagiging posible ang tila imposible: Sa taong nagmamahal, ang kasaganaan at tagumpay ay nagiging pagkakataon upang magbigay. Sa taong nagmamahal, ang kakulangan ay nagiging pagkakataon upang mapuspos ng pag-ibig. Sa taong nagmamahal, ang kahinaan ay nagiging lakas. Sa taong nagmamahal, ang pag-aalay ng buhay para sa kapakanan ng iba ay tunay na tagumpay. Sapagkat ang tunay na pagsunod sa Diyos ay pagsunod na nagmumula sa puso—sa pag-ibig, hindi sa takot.

Manalangin tayo. Maibiging Diyos, turuan mo akong magmahal nang tulad mo. Amen.