JUAN 6:52-59
Nagtalu-talo ang mga Judio at nagsalita: “Paano tayo mabibigyan ng taong ito ng karne para kainin?” Kaya sinabi sa kanila ni Jesus, “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, kung hindi ninyo kakainin ang laman ng Anak ng Tao at iinumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay sa inyong kalooban. May buhay na walang hanggan ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo at ibabangon ko siya sa huling araw. “Sapagkat tunay na pagkain ang aking laman at tunay na inumin ang aking dugo. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa akin at ako naman sa kanya. Sinugo nga ako ng buhay na Ama at may buhay ako dahil sa Ama, gayundin naman dahil sa akin mabubuhay ang kumakain sa akin. Ito ang tinapay na pumanaog mula sa Langit, hindi para kainin at mamatay tulad sa inyong mga ninuno. Mabubuhay naman magpakailanman ang kumakain ng tinapay na ito.” Sinabi ni Jesus ang mga bagay na ito sa sinagoga habang nangangaral siya sa Capernaum.
PAGNINILAY:
Sa Ebanghelyong ating narinig, totoong nakapangingilabot para sa mga tao noon ang sinabi ni Jesus “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, kung hindi ninyo kakanin ang laman ng Anak ng Tao at iinumin ang Kanyang dugo.” Kahit siguro tayo mangingilabot din, at iisiping cannibalism yata ang tinutukoy ni Jesus. Pero hindi nabahala si Jesus at ni hindi nga Siya nagpaliwanag pa kung ano ang ibig Niyang sabihin. Kung ano ang narinig nila, iyon na rin ang ibig Niyang sabihin. Sa liwanag lang ng pananampalataya maaaring maunawaan at matanggap ng sinuman na kailangan niyang kainin ang laman at inumin ang dugo ni Jesus kung gusto niyang magkaroon ng buhay na walang hanggan. Iniuugnay ni Jesus ang sinasabi Niyang ito sa nalalapit Niyang Pagpapakasakit at Pagkamatay sa krus. Inihahambing Niya ang sarili sa isang pagkaing iniaalay na kailangang kainin sa isang piging upang ang sinumang kakain nito, makatanggap ng pagpapalang hinihiling. Mga kapanalig, wala ngang hihigit pa sa pagpapala ng buhay na walang hanggan. Ito mismo ang buhay na tinataglay ngayon pa lang sa mundong ito ng sinumang tumatanggap kay Kristo sa Eukaristiya. Masasabing ang Eukaristiya, patikim na ng buhay na walang hanggan na mararanasan natin ang kaganapan sa piling ng Diyos Ama. Bilang mga Katolikong Kristiyano, naniniwala tayo na tunay na Katawan ni Kristo ang tinapay, at tunay na dugo Niya ang iniaalay sa Banal na Eukaristiya. Sa madaling salita, si Kristo mismo ang tinatanggap natin sa pakikinabang. Napakalaking pagpapala, kahanga-hangang hiwaga… Bakit kaya kakaunti pa rin ang mga nagdiriwang ng Banal na Misa kung ihahambing sa tunay na dami ng mga Katoliko sa buong mundo?