EBANGHELYO: Jn 6:30-35
Sinabi ng mga tao kay Jesus: “Anong tanda ang magagawa mo upang pagkakita namin ay maniwala kami sa iyo? Ano ba ang gawa mo? Kumain ng manna sa ilang ang aming mga ninuno ayon sa nasusulat: ‘Binigyan sila ng tinapay mula sa Langit at kumain sila.’” “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay mula sa Langit; ang aking Ama ang nagbibigay sa inyo ng tunay na tinapay na mula sa Langit. Ang tinapay ng Diyos ang pumapanaog mula sa Langit at nagbibigay-buhay sa mundo.” “Panginoon, lagi mong ibigay sa amin ang tinapay na ito.” “Ako ang tinapay ng buhay. Hinding-hindi magugutom ang lumalapit sa akin at hindi mauuhaw kailanman ang naniniwala sa akin.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Carmencita Gabutero ng Institute of Our Lady of Annunciation ang pagninilay sa ebanghelyo. Mga kapatid, Pagkain ang pangunahing pangangailangan ng lahat ng tao. Araw-araw naghahanap tayo ng makakain upang pagsaluhan, malamnan ang ating tiyan, makapag-isip ng maayos at lumakas ang pangangatawan. Sa panahon natin ngayon na nakararanas tayo ng krisis dahil sa pandemya, maraming tao ang nagugutom, naghihirap, nagkakasakit at namamatay. Uhaw at gutom sa maraming bagay, higit sa lahat sa pagmamahal. Pero sinabi ni Hesus, “Ako ang Pagkaing nagbibigay buhay, ang lumalapit sa Akin ay hindi magugutom at ang maniniwala sa akin ay hindi mauuhaw kailanman”. Iyan ang pangakong pinatotohanan Niya sa atin. Tunay ngang ang Diyos Ama ang nagbibigay ng pagkaing galing sa langit, at si Hesus mismo ang Tinapay ng Buhay na ipinagkaloob sa atin. Tunay Niyang katawan at dugo ang tinatanggap natin sa Banal na Eukaristiya. Ito rin ang itinuro sa ating katesismo noong tayo’y mga bata pa at mag-aaral na tumanggap ng unang pakikinabang. Ako rin bilang “bread winner” ng aming pamilya ay nakakaranas ng Kanyang walang hanggang pagmamahal at kaligtasan sa aming pang-araw-araw na pamumuhay. Kasama namin Sya at hindi Niya kami pinababayaan.
PANALANGIN
Tunay nga, Ikaw Hesus ang Pagkaing nagbibigay buhay sa amin araw-araw. Ikaw ang tugon sa aming pangangailangang pisikal, emosyonal, higit sa lahat sa aming buhay espiritwal. Panginoong Hesus, maraming salamat po sa biyaya ng buhay, sa pagbibigay mo sa amin ng Iyong sarili sa Banal na Eukaristiya. Gamitin mo po kaming instrumento ng iyong pagmamahal sa pagbabahagi ng aming sarili sa aming kapwa. Amen.