Ebanghelyo: Juan 20:1-9
Sa unang araw ng sanlinggo, maagang nagpunta si Maria Magdalena, habang madilim pa. Nang makita niyang tinanggal ang bato mula sa libingan, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa isa pang alagad na mahal ni Hesus. “May kumuha sa Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan nila siya inilagay.” Kaya lumabas si Pedro at ang isa pang alagad, at pumunta sa libingan. Sabay na tumakbo ang dalawa. Ngunit mas mabilis tumakbo ang isa pang alagad kaysa kay Pedro, at unang nakarating sa libingan. Pagkayukod niya’y nakita niyang naroroon ang mga telang lino. Ngunit hindi siya pumasok. Dumating si Simon Pedro, na kasunod niya, at pumasok siya sa libingan. Nakita niya na nakalatag ang mga telang lino, at ang panyo namang nakatalukbong sa ulunan niya ay di nakalatag gaya ng mga telang lino kundi nakalulon sa mismong lugar nito. Pumasok noon ang isa pang alagad, ang unang nakarating sa libingan, at nakita niya at naniwala siya. Sapagkat hindi pa nila alam ang Kasulatan na kailangan niyang magbangon mula sa mga patay.
Pagninilay:
Walang sinuman ang nakaaalam ng buong detalye ng muling pagkabuhay ni Hesus. Maging ang ating mga Ebanghelyo ay walang ulat kung ano mismo ang naganap sa loob ng libingan. Ang unang balita pa nga tungkol sa Kanyang muling pagpapakita ay nagmula sa isang babae—si Maria Magdalena—na sa kultura ng mga Hudyo noong panahong iyon ay kapag galing sa isang babae ang balita, hindi ito itinuturing na kapani-paniwala. Tila napakaraming dahilan upang pagdudahan ang katotohanan ng muling pagkabuhay ni Hesus.
Sa katunayan, kahit sina Maria Magdalena at Pedro, na malalapit na kaibigan ni Hesus, ay hindi agad naisip na Siya ay muling mabubuhay. Bakit? Nakalimutan nila ang Kanyang sinabi at pangako—na Siya nga ay muling mabubuhay sa ikatlong araw!
Ngunit hindi lamang sila ang nakalimot. Madalas tayo din rin ay nakalilimot nakakalimot na ang Diyos ay buhay, lalo na sa mga panahong sunod-sunod na ang pagsubok at suliranin sa buhay.
Ano ba ang kahulugan ng Muling Pagkabuhay ni Hesus para sa atin ngayon? Una, ito ay katibayan ito na hindi ang kamatayan ang may huling halakhak sa mundo, kundi ang muling pagkabuhay na biyaya ng Diyos sa atin. At pangalawa, nangangahulugan din ito na walang anumang kasamaan o suliranin sa mundo ang magtatagumpay laban sa atin, kundi ang kapangyarihan ng Diyos na siyang sumasama at umaalalay sa atin.
Panghawakan natin ang pangako at kasiguraduhang ito. Manalangin tayo. O Hesus na Muling Nabuhay, buhayin mo ang pag-asa ko sa iyo at patuloy mo akong samahan sa bawat pinagdaraanan ko sa buhay. Amen.