Daughters of Saint Paul

Abril 21, 2017 BIYERNES sa Oktaba ng Pasko ng Pagkabuhay / San Anselmo

 

Gawa 4:1-12 – Slm 118 – Jn 21:1-14

Jn 21:1-14

Muling ibinunyag ni Jesus ang kanyang sarili sa mga alagad sa may Lawa ng Tiberias. Ibinunyag niya nang paganito.

            Magkakasamang naroon sina Simon Pedro, Tomas na tinaguriang Kambal, Natanael na taga Cana ng Galilea, ang mga anak ni Zebedeo, at dalawa pa sa mga alagad niya. Sinabi sa kanila ni Simon Pedro:  “Aalis ako para mangisda.”  Sinabi nila sa kanya:  “Sasama kami sa iyo.”

            Nang madaling-araw na, nakatayo si Jesus sa dalampasigan pero hindi nakilala ng mga alagad na si Jesus iyon. Tinatawag sila ni Jesus:  “Mga bata, wala ba kayong isda?”  Sumagot sila sa kanya:  “Wala!”  Sinabi naman niya sa kanila:  “Ihulog n’yo sa bandang kanan ng bangka ang lambat at makakatagpo kayo.”  Kaya inihulog nga nila at hindi na nila makayanang hilahin iyon dahil sa dami ng isda.

            Kaya sinabi kay Pedro ng alagad na iyon na mahal ni Jesus:  “Ang Pangioon siya!”  Nang marinig ni Simon na ang Panginoon iyon, nagsuot siya ng damit sapagkat hubad siya, at saka tumalon sa lawa. Dumating naman ang iba pang mga alagad sakay ng bangka, sapagkat hindi sila kalayuan mula sa pampang kundi mga sandaang metro lamang. Hinila nila ang lambat ng mga isda.

            Kaya nang makalunsad sa lupa, nakita nilang may nagbabagang uling doon, na kinaihawan ng isda at may tinapay.

            Sinabi sa kanila ni Jesus:  “Magdala kayo mula sa mga isda na nahuli ninyo ngayon.”  Kaya lumulan si Simon Pedro at hinila ang lambat tungo sa pampang, gayong puno iyon ng sandaa’t limampu’t tatlong malalaking isda. Bagamat napakarami noon, hindi napunit ang lambat.

            Sinabi sa kanila ni Jesus:  “Halikayo’t mag-almusal!”  Wala namang makapangahas sa mga alagad na mag-usisa sa kanya:  “Kayo ba’y sino?”  dahil alam nilang ang Panginoon iyon. Lumapit si Jesus at kumuha ng tinapay at ipinamahagi sa kanila. Gayundin ang ginawa niya sa isda.

            Ito na ang ikatlong pagpapahayag ni Jesus sa mga alagad matapos siyang ibangon mula sa mga patay.

PAGNINILAY

Mayaman sa malalalim na simbolismo ang Ebanghelyo ni Juan.  Ayon kay San Geronimo, mayroong sandaa’t limampu’t tatlong isda sa karagatan.  Kung kaya’t ang mga isdang nahuli ng mga alagad, sumasagisag sa lahat ng lahi sa daigdig.  Ang lambat, ayon sa kanya, sumasagisag sa Iglesya na magtitipon at maghahatid sa lahat ng lahi tungo sa pampang ng kalangitan, sa paanan ng Panginoon.  Ang dagdag na tagpo sa Ebanghelyo ni Juan, nagpapatunay ng katotohanan ng Muling Pagkabuhay.  Nagpapakita rin ito sa inaasahan nating hantungan sa hinaharap.  Mga kapatid, nagpakita ang Muling Nabuhay na si Jesus sa Kanyang mga alagad upang muli Niyang tipunin sila at patunayan ang Kanyang pagmamahal.  Sa iyong pang-araw-araw na buhay nagiging instrumento ka rin ba ng pagkakaisa at pagbabago sa iyong pamilya, parokya at lipunan?  Sa panahon natin ngayon na nagiging istilo ng buhay ang pagkakanya-kanya at walang pakialaman, maging sa loob ng tahanan at komunidad, dito tayo inaanyayahan ng Panginoon na maging instrumento ng pagkakaisa at pagbabago.  Panginoon, baguhin Mo po ako ng Iyong pagmamahal; alisin mo po sa akin ang katigasan ng pusong nagiging hadlang sa pagsulong ng pagbabago at pagkakaisa.  Amen.