EBANGHELYO: Juan 20:1-9
Sa unang araw ng sanlinggo, maagang nagpunta si Maria Magdalena, habang madilim pa. Nang makita niyang tinanggal ang bato mula sa libingan, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa isa pang alagad na mahal ni Jesus.“May kumuha sa Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan nila siya inilagay.” Kaya lumabas si Pedro at ang isa pang alagad, at pumunta sa libingan. Sabay na tumakbo ang dalawa. Ngunit mas mabilis tumakbo ang isa pang alagad kaysa kay Pedro, at unang nakarating sa libingan. Pagkayukod niya'y nakita niyang naroroon ang mga telang lino. Ngunit hindi siya pumasok. Dumating si Simon Pedro, na kasunod niya, at pumasok siya sa libingan. Nakita niya na nakalatag ang mga telang lino, at ang panyo namang nakatalukbong sa ulunan niya ay di nakalatag gaya ng mga telang lino kundi nakalulon sa mismong lugar nito. Pumasok noon ang isa pang alagad, ang unang nakarating sa libingan, at nakita niya at naniwala siya. Sapagkat hindi pa nila alam ang Kasulatan na kailangan niyang magbangon mula sa mga patay.
PAGNINILAY:
Nang malapit ng mamatay si Alexander the Great, mayroon siyang tatlong hiling sa mga heneral: Una, Ang mga pinakamahusay na doktor ang pagbuhatin ng kanyang kabaong para patibayan na wala silang magagawa sa harap ng kamatayan; Ikalawa, Ikalat ang kanyang yaman sa daan hanggang sa libingan para ipahiwatig na ang mga yamang nakuha sa daigdig ay mananatili sa daigdig; at Ikatlo, Ilabas ang kanyang mga kamay para maipakita na isinilang tayong walang dala at lilisan na wala ring dala. Sa ebanghelyo, naganap na ang muling pagkabuhay ni Jesus at pinatibayan niya na ang buhay ay hindi tungkol sa pagiging mayaman, tanyag, edukado o walang kapintasan kundi sa pagiging totoo, mababang-loob, at mapagmahal sa kapwa hanggang sa kamatayan sa krus.
PANALANGIN:
O Ama, loobin mong magamit namin nang wasto ang iyong mga biyaya sa bawat sandali ng aming buhay at lubos na magbunyi sa yaman ng iyong pagmamahal. Amen. -Dr.Lilia Antonio, Ph.D.