EBANGHELYO: Juan 3:7b-15
Sinabi ni Jesus kay Nicodemo: “Huwag kayong magtaka dahil sinabi ko na kailangan ninyong isilang mula sa itaas. Umiihip ang hangin saan man nito ibig, at naririnig mo ang ihip nito, subalit hindi mo alam kung saan ito galing at kung saan papunta. Gayon nga ang bawat isinilang sa Espiritu.” “Paano pupuwede ang mga ito?” Nicodemo: “Guro ng Israel ka pa naman, at hindi mo alam? “Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo: alam namin ang aming sinasabi at pinatototohanan namin ang aming nakita, at hindi pa ninyo tinatanggap ang aming patotoo. Hindi kayo naniniwala kung mga bagay sa lupa ang sinasabi ko sa inyo, kaya paano kayo maniniwala kung mga bagay sa Langit ang sasabihin ko sa inyo. Walang umakyat sa Langit maliban sa bumaba mula sa Langit—ang Anak ng Tao. Kagaya ng pagtataas ni Moises sa ahas sa ilang, gayundin naman kailangang itaas ang Anak ng Tao, upang magkaroon ng buhay na walang hanggan ang bawat naniniwala sa kanya.”
PAGNINILAY:
Isinulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Taong 1998 noong unang beses akong pinapunta sa Roma, para sa tinatawag naming second novitiate o paghahanda para sa final profession. Natatandaan ko na mas excited pa ang tatay ko sa aking pag-alis. Sabi pa nya sa akin “anak magpakuha ka ng maraming pictures, dahil alam mo, hindi na ako makakarating doon, kaya kahit sa pictures man lang parang narating ko na din ang Roma.” Binigyan pa ako ng pera ng tatay ko para ibili ng film. Halimbawa lang ito ng karanasan ko ng pagmamahal ng aking tatay sa akin. Ganito din marahil si Hesus sa kanyang Ama sa langit. Lubos ang pagtalima ni Hesus sa kanyang Ama. Siya ang larawan ng Diyos Ama! Ginagawa niya ang ipinag-uutos ng Ama! Ipinakita at isinabuhay ni Hesus ang kanyang pagsunod sa kalooban ng Ama. Bagamat iba ang mga bagay na pinahahalagahan dito sa lupa tulad ng mga material na bagay, pero, hindi ito naging hadlang upang pahalagahan ni Hesus ang makalangit na bagay. Kay Hesus, ang material na bagay ay ginawang daan upang mapahalagahan ang makalangit ng bagay. Mga kapatid, gawin nating makabuluhan ang material nating yaman upang makamtan natin ang langit na inaasam-asam. Tumulong tayo sa kapwa nating nangangailangan, sa abot ng ating makakayanan. Amen.