Daughters of Saint Paul

ABRIL 21, 2022 – HUWEBES SA OKTABA NG PASKO NG PAGKABUHAY

Shalom! Pagbating nangangahulugan ng kapayapaan na tanging kay Jesus lamang masusumpungan. Mapagpalayang araw ng Huwebes sa Oktaba ng Pasko ng Pagkabuhay. Huwag kayong matakot!  Manalig  sa makapangyarihang  salita ni Jesus. Sr. Amelyne Paglinawan ng Daughters of St. Paul.   Pakinggan natin ang Ebanghelyong naghahatid ng pagpapala sa Mabuting Balita ngayon.

Ebanghelyo: Lucas 24: 35-48

Isinalaysay ng dalawang alagad ang nangyari sa daan at kung paano nila siya nakilala sa pagpipiraso ng tinapay. Habang pinag-uusapan nila ang mga ito, tumayo siya mismo sa gitna nila at nagsabi: “Huwag kayong matakot, sumainyo ang kapayapaan!”. Nagulat nga sila at natakot, at akala’y nakakakita sila ng kung anong espiritu. Ngunit sinabi niya sa kanila: “Bakit kayo naliligalig at pumapasok ang pag-aalinlangan sa inyong isipan? “Tingnan ninyo ang aking mga kamay at mga paa, ako nga siya. Hipuin ninyo ako at unawain ninyo na walang laman at mga buto ang isang espiritu, at nakikita ninyo na meron ako.” Matapos masabi ito, ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at paa. Hindi sila makapaniwala sa labis na galak at nagtataka pa rin kaya sinabi niya sa kanila: “May makakain ba kayo rito?” At binigyan nila siya ng isang pirasong inihaw na isda at pulot-pukyutan. Kinuha niya iyon at kumain sa harap nila. Sinabi niya sa kanila: “Sinabi ko na sa inyo ang mga ito nang kasama ninyo ako: kailangang matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa Batas ni Moises, Mga Propeta at Mga Salmo.” At binuksan niya ang kanilang isipan para maunawaan nila ang mga Kasulatan. Sinabi niya: “Ganito ang nasusulat: kailangang magdusa ang Mesiyas at pagkamatay niya’y buhayin sa ikatlong araw. Sa ngalan niya ipahahayag sa lahat ng bansa ang pagsisisi at ang kapatawaran ng mga kasalanan—sa Jerusalem kayo magsisimula. Kayo ang magiging saksi sa mga ito.”

Pagninilay:

Sa misa sinasabi sa atin ni Hesus sa pamamagitan ng pari: Kapayapaan ang iniiwan ko sainyo. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sainyo. Kapayapaan din ang binigay ni Hesus sa kanyang mga apostoles. Shalom ang katumbas nito sa Hebreo. Mahigit na dalawang daan ulit itong mababasa sa Bibliya. Malalim ang pakahulugan nito. Hindi lamang simpleng “peace be with you” o kaya naman pagsasabi ng “hello” at “goodbye” bilang isang pagbati. Ang shalom ay salitang nagpapahiwatig ng isang estado ng kapunuan at pagiging perpekto; nag-uumapaw na kagalakan sa loob at labas at mapayapang katahimikan ng buhay. Ito ang hangarin ni Hesus para sa kanyang mga alagad dahil sa lubhang pinanghihinaan na sila ng loob sapagkat Nakita nilang ipinako at namatay sa krus ang kanilang Guro. Shalom din ang hangarin ni Hesus para sa atin. Alam n iHesus ang mga pinagdaraanan nating pagsubok at kadiliman ng buhay, siya ang ating kanlungan. Siya ang Prinsipe ng Kapayapaan. Ang tunay na kapayapaan ay makakamit lamang sa pamamagitan ng Diyos.