Daughters of Saint Paul

Abril 21, 2024 – Ikaapat na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay (B) | Linggo ng Mabuting Pastol/ Pandaigdigang Araw ng Panalangin para sa mga Bokasyon

Ebanghelyo: Jn 10:11-18

Sinabi ni Jesus: “Ako ang mabuting pastol. Ang mabuting pastol ay nag-aalay ng kanyang buhay alang-alang sa mga tupa. Ang upahan at hindi pastol, na hindi naman kanyang sarili ang mga tupa, pagkakita niya sa asong-gubat na dumarating, iniiwan niya ang mga tupa at tumatakas. Kaya inaagaw ng asong-gubat ang mga ito at ipinangangalat. Sapagkat upahan siya at wala siyang malasakit sa mga tupa. “Ako ang mabuting pastol. Kilala ko ang mga akin at kilala ako ng mga akin, gaya ng pagkakilala sa akin ng Ama, at nakikilala ko ang Ama. At iniaalay ko ang aking buhay para sa aking mga tupa.” “Mayroon akong ibang mga tupa na di naman mula sa kulungang ito. Maging sila ay kailangan kong gabayan, at makikinig sila sa tinig ko at magkakaroon ng iisang kawan at ng iisang pastol. “Mahal nga ako ng Ama sapagkat hinuhubad ko ang aking buhay at muli ko itong kukunn. Walang nag-aalis nito sa akin, kundi ako ang naghuhubad nito nang kusa. May kapangyarihan ako upang hubarin ito, at may kapangyarihan din ako upang kunin itong muli. Ito ang utos na tinanggap ko mula sa aking Ama.”

Pagninilay: 

Isinulat ni Fr. Rolly Garcia Jr. ng Archdiocese of Manila ang pagninilay sa ebanghelyo.  Ang talinghaga ng Mabuting Pastol ay makikita lamang sa Ebanghelyo ni Juan at ito ang tanging talinghaga sa kanyang Ebanghelyo. Ayon sa talinghaga, kilala ng mabuting pastol ang kanyang mga tupa. Si Hesus ang mabuting pastol. Kilala ni Hesus ang lahat ng kanyang mga tupa at handa siyang ialay ang kanyang buhay upang sila’y iligtas. Tayong lahat ay tinatawag na maging mga pastol sa iba’t ibang paraan at may iba’t ibang antas ng pananagutan: mga pari, madre, magulang, guro, mga amo, at marami pang iba. Upang maging mabuting mga pastol, kailangan nating laging tumingin sa halimbawa ni Hesus. Ang pagiging isang lider na ayon sa larawan ni Hesus ay nangangailangan ng patuloy na pagbabago at paglilinis ng ating mga hangarin.  Hindi dapat inuuna ng lider ang kanyang sarili, laging kapakanan ng kanyang mga nasasakupan ang pangunahing binibigyan ng pansin.  Ngayon ay “Linggo ng Mabuting Pastol”. Manalangin tayo na marami sa ating mga kabataan ang piliing maging mabuting pastol at tumugon sa tawag ng buhay paglilingkod: bilang mga pari, mga relihiyoso, o maging mabuting mga magulang.