Daughters of Saint Paul

Abril 21, 2025 – Lunes sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay

Ebanghelyo: Mateo 28:8-15

Agad na iniwan ng mga babae ang libingan na natatakot at labis na nagagalak, at tumakbo sila para balitaan ang kanyang mga alagad. Nakasalubong nila sa daan si Hesus at sinabi niya: “Kapayapaan.” Paglapit sa kanya ng mga babae, niyakap nila ang kanyang mga paa at sinamba siya. Sinabi naman ni Hesus sa kanila: “Huwag kayong matakot. Humayo kayo at sabihin sa aking mga kapatid na pumunta sila sa Galilea; doon nila ako makikita.” Samantalang pabalik ang mga babae, nagbalik naman sa lunsod ang ilang mga bantay at ibinalita sa mga Punong-pari ang lahat ng nangyari. Nakipag-usap naman ang mga ito sa mga Matatanda ng bayan kaya kumuha sila ng sapat na halaga at ibinigay sa mga sundalo, at tinagubilinan silang “Sabihin ninyong dumating nang gabi ang kanyang mga alagad at ninakaw ang katawan habang natutulog kayo. Kung mabalitaan ito ng gobernador, kami ang bahala sa kanya at hindi kayo magkakaproblema.” Tinanggap ng mga sundalo ang pera at ginawa ang itinuro sa kanila; at laganap pa hanggang ngayon ang kuwentong ito sa mga Judio.

Pagninilay:

Maligayang Lunes ng Pagkabuhay! Ibang klaseng kaligayahan ang muling marinig ang tinig ni Jesus na Muling Nabuhay, “Huwag kayong matakot.” Kay Jesus, tunay ngang wala tayong dapat ikatakot. Sabi nga ni Apostol San Pablo, “walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Kristo.” Mga kapatid/mga kapanalig, ipagpasalamat natin ang bagong buhay at bagong pag-asang handog ng muling pagkabuhay ni Jesus! Narito tayo dahil sa tunay na pagmamahal sa atin ni Jesus. Ipagpasalamat natin ang nag-uumapaw na mga biyaya, lalo na ang ating kalusugan. Hindi natin deserved lahat ito pero ibinuhos pa rin Niya sa atin dahil sa kanyang dakilang kabutihan at katapatan.

Sa Mabuting Balita ngayon, matutunghayan nating uso na ang fake news kahit wala pang social media sa kapanahunan ni Jesus. Nasilaw ang mga kawal sa suhol ng mga punong pari at pinuno ng bayan upang ipamalitang ninakaw ang bangkay ni Jesus habang natutulog sila. Imagine, “… magpahanggang ngayon ito pa rin ang ipinamamalita sa mga Hudyo.” Matindi! At lalong nakakadismayang natutunghayan nating laganap din ang fake news sa panahon natin ngayon. Isama na po natin ang nakakahiyang panunuhol, kurapsyon, at pagsisiraan lalung-lalo na ngayong panahon ng halalan. Mga kapatid/ mga kapanalig, huwag nawa tayong matakot na tumindig para sa katotohanan at labanan ang pang-aabuso ng kasinungalingan sa Lipunan. Si Jesus ang Katotohanan. Tulungan nawa Niya tayong mamuhay sa katotohanan, at huwag masilaw sa kinang ng makamundong yaman. Maging lakas nawa natin ang pag-asang handog ni Jesus na Muling Nabuhay sa pagtahak sa totoong buhay tungo sa Kanyang Kaharian.