JUAN 10:11-18
Sinabi ni Jesus: “Ako ang mabuting pastol. Ang mabuting pastol ay nag-aalay ng kanyang buhay alang-alang sa mga tupa. Ang upahan at hindi pastol, na hindi naman kanyang sarili ang mga tupa, pagkakita niya sa asong-gubat na dumarating, iniiwan niya ang mga tupa at tumatakas. Kaya inaagaw ng asong-gubat ang mga ito at ipinangangalat. Sapagkat upahan siya at wala siyang malasakit sa mga tupa. “Ako ang mabuting pastol. Kilala ko ang mga akin at kilala ako ng mga akin, gaya ng pagkakilala sa akin ng Ama, at nakikilala ko ang Ama. At iniaalay ko ang aking buhay para sa aking mga tupa. Mayroon akong ibang mga tupa na di naman mula sa kulungang ito. Maging sila ay kailangan kong gabayan, at makikinig sila sa tinig ko at magkakaroon ng iisang kawan at ng iisang pastol. Mahal nga ako ng Ama sapagkat hinuhubad ko ang aking buhay at muli ko itong kukunn. Walang nag-aalis nito sa akin, kundi ako ang naghuhubad nito nang kusa. May kapangyarihan ako upang hubarin ito, at may kapangyarihan din ako upang kunin itong muli. Ito ang utos na tinanggap ko mula sa aking Ama.”
PAGNINILAY:
Ano nga ba ang mga katangian ng isang Mabuting Pastol na isinabuhay ni Kristo? Ang Mabuting Pastol, may puso; may pagmamahal. Handa siyang magtaya, mag-alay at magbuwis ng kanyang buhay alang-alang sa kapakanan ng kanyang mga tupa. Ipinagtatanggol niya ang mga ito at handang harapin ang anumang panganib upang mailigtas lamang ang kawan. Dahil may tiwala at nadarama ng mga tupa ang taos-pusong pag-aaruga ng Mabuting Pastol, nakikilala nila ang tinig niya at ito lamang ang kanilang sinusundan. Takot sila sa dayuhan na maaaring magdala sa kanila sa kapahamakan. Hindi hahayaan ng Mabuting Pastol na mapahamak at maligaw ang Kanyang mga tupa dahil minamahal niya ang mga ito. Di nga ba’t ibinuwis ni Kristo ang Kanyang sariling buhay at hinarap ang pinakamabigat na sumpa ng krus upang ang buong sangkatauhan manumbalik sa tunay na buhay at kaligayahan sa piling ng Ama? Nakayanan ni Kristo ang lahat ng sakit at pagdurusa dahil sa dakilang pagmamahal Niya sa atin, at gayundin naman dahil alam Niyang mahal Siya ng Ama. Ang pagmamahal ng Ama ang Kanyang lakas at pag-asa. Mga kapanalig, tayo din tinatawagan na maging mabuting pastol sa mga taong ipinagkatiwala sa atin. Ang magulang sa kanilang mga anak; ang mga guro sa kanilang mga estudyante; ang pinuno ng bayan sa kanilang mga nasasakupan. Matularan nawa natin ang Panginoong Jesus na ginampanan ang Kanyang tungkulin nang may pagmamahal. O Panginoon naming Mabuting Pastol, idinudulog po namin Sa’yo ang mga pinuno ng aming bayan. Nawa’y maging mabubuting Pastol sila, taglay ang pusong tunay na may pagmamahal at malasakit sa aming bayan. Amen.