Daughters of Saint Paul

ABRIL 22, 2019 LUNES SA OKTABA NG PASKO NG PAGKABUHAY

 

EBANGHELYO: MATEO 28:8-15

Agad na iniwan ng mga babae ang libingan na natatakot at labis na nagagalak, at tumakbo sila para balitaan ang kanyang mga alagad. Nakasalubong nila sa daan si Jesus at sinabi niya: “Kapayapaan.” Paglapit sa kanya ng mga babae, niyakap nila ang kanyang mga paa at sinamba siya. Sinabi naman ni Jesus sa kanila: “Huwag kayong matakot. Humayo kayo at sabihin sa aking mga kapatid na pumunta sila sa Galilea; doon nila ako makikita.” Samantalang pabalik ang mga babae, nagbalik naman sa lunsod ang ilang mga bantay at ibinalita sa mga Punong-pari ang lahat ng nangyari. Nakipag-usap naman ang mga ito sa mga Matatanda ng bayan kaya kumuha sila ng sapat na halaga at ibinigay sa mga sundalo, at tinagubilinan silang “Sabihin ninyong dumating nang gabi ang kanyang mga alagad at ninakaw ang katawan habang natutulog kayo. Kung mabalitaan ito ng gobernador, kami ang bahala sa kanya at hindi kayo magkakaproblema.” Tinanggap ng mga sundalo ang pera at ginawa ang itinuro sa kanila; at laganap pa hanggang ngayon ang kuwentong ito sa mga Judio.

 

PAGNINILAY:

Sinasabing hindi nakikipaglaban ang agila sa ahas sa lupa. Dinadaklot niya ito at inililipad bago bitawan sa himpapawid kung saan wala itong lakas, walang balanse, walang silbi. Kakaiba kung ito’y nasa lupa na makapangyarihan, matalino at nakamamatay. Madalas, nasisiraan tayo ng loob sa gitna ng mga kabiguan at pagsubok.Pero, gayahin natin ang agila. Iakyat natin sa langit ang ating mga pakikidigma sa sarili man o sa kapwa, at ang Diyos ang siyang bahala.Maging masigasig sa ating pagdarasal sa anumang laban at makatitiyak tayo ng tagumpay.  Sa ebanghelyo, hindi pa rin tumitigil ang mga Punong pari para pabulaanan ang muling pagkabuhay ni Jesus. Dahil sa pera, kapangyarihan at karangalan, handa silang pumatay at gumawa ng kahit anong masama. Hindi ito ang buhay na gusto ng Diyos para sa atin. Sa muling pagkabuhay ni Jesus, ang mga karaniwang bagay na ginagawa natin ay hinihipo niya  at binibigyang-buhay, lasa, bango at bisa, Amen. -Dr.Lilia Antonio, Ph.D.