Daughters of Saint Paul

ABRIL 22, 2020 – MIYERKULES SA IKALAWANG LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

EBANGHELYO: Juan 3:16-21

Sinabi ni Jesus kay Nicodemo: “Ganito kamahal ng Diyos ang mundo! Kaya’t ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak upang hindi na mawala ang naniniwala sa kanya; magkaroon nga siya ng buhay na walang hanggan. “Hindi nga sinugo ng Diyos sa mundo ang Anak upang hukuman ang mundo, kundi upang maligtas ang mundo sa pamamagitan niya. Hindi hinahatulan ang naniniwala sa kanya. Ngunit hinatulan na ang hindi naniniwala, sapagkat hindi siya naniniwala sa Ngalan ng bugtong na Anak ng Diyos. “Ito ang hahatulan: dumating sa mundo ang liwanag subalit higit pang minahal ng mga tao ang karimlan kaysa liwanag, sapagkat masasama ang kanilang gawa. Napopoot nga sa liwanag ang nabubuhay nang masama at hindi lumalapit sa liwanag at baka mahayag ang kanyang mga gawa. Sa liwanag naman lumalapit ang gumagawa ng katotohanan upang mahayag na sa Diyos ginagawa ang kanyang mga gawa.”

PAGNINILAY:

Isinulat ni Bro. John Adrian Agapito ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Sana ALL. Madalas natin maririnig sa mga kabataan ngayon ang mga katagang “Sana All.” Ang katagang ito ay nagpapahiwatig o nagpapakita ng kagustuhang magkaroon o maramdaman ang isang bagay na presentsa iilan, pero wala sa kanila. Halibawa: love-life, “Sana all, meron.” Sa ating Ebanghelyo ngayon, ipinapakita sa atin ang dakilang regalo sa atin ng Panginoon – Pag-ibig! Ang Diyos na puno ng Kadakilaan at Kaluwalhatian ay bumaba para tubusin tubusin tayo sa ating mga kasalanan. Ginawa niya ito, hindi para paburan ang kanyang sarili; kundi ginawa niya ito, dahil sa lubos niyang pagmamahal sa atin. Maranasan niya man ang pagdurusa, panlilibak kahit na kamatayan, pinagdaanan niya lahat ng ito, dahil sa katotohanang, mahal niya tayo. Sana All. Mga kapatid, sa ating buhay, hindi natin maiiwasan na mainggit at maghangad ng ibang bagay na wala tayo. Nakakalungkot at masakit na mayroong mga bagay, material man o hindi, na hindi napapasaatin at hindi natin nararanasan, yung tipong mapapa-Sana All ka nalang. Wala sa mga katagang Sana-all, ang kasagutan sa ating mga inaasam. PAG-IBIG ng Diyos ang kasagutan sa lahat. Anuman ang ating katayuan sa buhay, sino man tayo sa mundong ito, lahat tayo ay Mahal ng Diyos. Walang ng sana sana, lahat tayo ay mapupuspos, lahat ay grasya, lahat tayo ay pinagindapat, dahil lahat tayo ay mahal ng Diyos. Amen.