EBANGHELYO: Jn 6:44-51
Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Walang puwedeng lumapit sa akin kung hindi siya ihahatid ng Amang nagsugo sa akin. At ako ang magbabangon sa kanya sa huling araw. Nasusulat sa mga Propeta, ‘Tuturuan nga silang lahat ng Diyos’, kaya ang bawat nakikinig sa Ama at natututo ay lumalapit sa akin. Wala ngang nakakita sa Ama liban sa kanya na galing sa Diyos, siya ang nakakita sa Diyos. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, may buhay na walang hanggan ang naniniwala sa akin. Ako ang tinapay ng buhay. Kumain nga ng mana sa ilang ang mga ninuno at nangamatay pa rin. Narito naman ang tinapay na pumapanaog mula sa Langit, upang huwag mamatay ang kumain nito. Ako ang tinapay na buhay, na pumanaog mula sa Langit. Kung may kakain ng tinapay na ito, mabubuhay siya magpakailanman. At ang tinapay na aking ibibigay ay ang aking laman, alang-alang sa ikabubuhay ng mundo.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Lulu Pechuela ng Association of Pauline Cooperators ang pagninilay sa ebanghelyo. May napanood ako sa youtube tungkol sa near death experiences nang iba’t ibang tao. Iisa ang sinasabi: sa panahong “clinically dead” sila, nakarating sila sa isang lugar na maliwanag at payapa. Ang iba ay sinalubong pa nang mga yumaong mga mahal sa buhay. Pero lahat sila ay sinabihang: “Hindi mo pa oras. Bumalik ka.”// Pilit na ipinaliliwanag ng programang ito ang posibilidad na may buhay pagkatapos ng kamatayan ng lupang katawan ng tao. Patuloy silang nag-aaral at nagsasaliksik upang patunayang totoo ito sa siyentipikong pamamaraan//. Kapatid, tunay na isang grasya at biyaya ang makilala natin ang Panginoong Hesus. Napakapalad natin, dahil tinawag tayo ng Ama upang kilalanin ang kanyang Anak, na siyang daan patungo sa buhay na walang hanggan. Habang ang iba ay nagpupumilit na itatwa siya at ang kanyang mga turo, malinaw na ang siyensiya at ang turo ng Diyos ay hindi magkasalungat. Ang Diyos ay totoo! Ang Panginoong Hesus ang daan sa buhay na walang hanggan.//
PANALANGIN
Panginoon, sana’y makarating sa lahat ang magandang balita na ikaw ang tinapay ng buhay at daan sa buhay na walang hanggan. Buksan mo po ang isip ng mga nagdudunong-dunungan… Makilala ka nawa sa lahat nang sulok nang mundo, upang ang buhay na walang hanggan ay makamtam nang lahat, AMEN