Daughters of Saint Paul

Abril 22, 2024 – Lunes sa Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay  

Ebanghelyo: Jn 10:1-10

Sinabi ni Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, ang hindi dumadaan sa pintuan sa pagpasok sa kulungan ng mga tupa kundi lumulukso sa ibang dako ay magnanakaw at mandarambong. Ang pastol ng mga tupa naman ay pumapasok sa pintuan. Binubuksan siya ng bantay-pinto, at nakikinig ang mga tupa sa kanyang tinig; at tinatawag niya ang kanyang mga tupa sa kanilang ngalan at inilalabas niya sila. Kapag nailabas na niya ang tanang kanya, sa harap nila siya naglalakad at sa kanya sumusunod ang mga tupa, sapagkat kilala nila ang tinig niya. Hinding-hindi sila susunod sa dayuhan, kundi tatakasan nila siya, sapagkat hindi nila kilala ang tinig ng dayuhan. Ito ang talinhagang sinabi sa kanila ni Jesus. Ngunit hindi nila naintindihan kung ano ang gusto niyang sabihin sa kanila. Kaya sinabi uli ni Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo: Ako ang pintuan ng mga tupa. Magnanakaw lamang at mandarambong ang lahat ng nauna sa akin. Ngunit hindi sila pinakinggan ng mga tupa. Ako ang pintuan; kung may pumapasok sa pamamagitan ko, maliligtas siya at papasok at lalabas, at makatatagpo ng pastulan. Ang magnanakaw ay hindi dumarating kundi para lamang magnakaw, pumaslang at magpahamak. Dumating naman ako upang magkaroon sila ng buhay at lubos na magkaroon nito.”

Pagninilay:

Isinulat ni Sr. Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  (Napakaganda ng ating ebanghelyo sa araw na ito. Sinabi ni Hesus: “Ako ang pintuang dinaraanan ng mga tupa… naparito ako upang ang mga tupa ay magkaroon ng buhay, buhay na masaganang lubos.”)  Abundant life! Yan daw ang dahilan sa pagparito ni Hesus. Ano ba ang lubos na masaganang buhay para sa iyo? Sagana ka ba o kapos? Kapatid, ang kasaganaan ay hindi isang bagay na nakukuha natin. Itoý isang handog, isang paraan ng pamumuhay at pag-iral.  Ang masaganang buhay ay hindi tungkol sa dami ng kayamanan, ng tagumpay, ng pagiging sikat sa social media, ng seguridad, o pagiging number one sa alinmang larangan. Hindi ito mga bagay na madalas nating iniisip. Ilang beses mo na bang nakuha ang gusto mo, natupad ang iyong pangarap, o nagawa ang pinararangalan ng lipunan? Para lamang matuklasan ang iyong sariling kahungkagan at kahirapan? Nasa iyo ang lahat pero hindi ka sagana. Hindi, ang masaganang buhay ay pakikiisa sa buhay na banal. Tungkol ito sa kalidad ng buhay, hindi sa dami. Buhay na makahulugan, may integridad at layunin, malikhain, may mabuting mga relasyon, at kaganapan. Ang masaganang buhay ay nagbibigay-buhay din sa iba at sa mundo. Buhay na puno ng pag-ibig, ng kagalakan, ng pag-asa, ng kabaitan, ng pagkabukas-palad, ng kagandahan, at pasasalamat. Hindi ba ito talaga ang gusto natin? para sa ating sarili at para sa isa’t isa? 

Panalangin

Panginoong Hesus, aming Mabuting Pastol, gusto naming sundan ka sa pastulan ng kasaganaan. Tulungan mo kaming makinig sa iyong tinig sa araw-araw. Amen.