Daughters of Saint Paul

Abril 22, 2025 – Martes sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay

Ebanghelyo:  Juan 20:11-18

Nanatili sa labas ng libingan si Maria na tumatangis. Habang tumatangis siya, yumukod siyang nakatanaw sa libingan. At may nakita siyang dalawang anghel na nakaputi na nakaupo, nasa may ulunan ang isa at ang ikalawa nama’y nasa may paanan ng kinalagakan ng bangkay ni Hesus. Sinabi sa kanya ng mga iyon: “Ale, bakit ka tumatangis?” “May kumuha sa Panginoon ko, at hindi ko alam kung saan siya inilagak.” Pagkasabi niya ng mga ito, tumalikod siya at nakita niya si Hesus na nakatayo. Ngunit hindi niya nakilalang si Hesus iyon. Sinabi sa kanya ni Hesus: “Ale, bakit ka tumatangis? Sinong hinahanap mo” Sa pag-aakala niyang iyon ang hardinero, sinabi niya sa kanya: “Ginoo, kung kayo ang nagdala sa kanya, sabihin n’yo sa akin kung saan n’yo siya inilagay, at kukunin ko siya.” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Maria!” Pagkaharap niya ay winika niya sa kanya sa Aramaiko: “Rabbouni” (na ang ibig sabihin ay Guro). Sinabi sa kanya ni Hesus: “Huwag mo na akong pigilin sapagkat hindi pa ako nakaaakyat sa aking Ama. Puntahan mo ang mga kapatid ko at sabihin sa kanila na: ‘Paakyat ako sa Ama ko at Ama n’yo, sa Diyos ko at Diyos n’yo.’” Pumunta si Maria Magdalena, na nagbalita sa mga alagad: “Nakita ko ang Panginoon. At ito ang sinabi niya sa akin.”

Pagninilay:

Ibinahagi po ni Sr. Teresita de Lara ng Daughters of St. Paul ang ating pagninilay.

Noong panahon ni Jesus, hindi pinagkakatiwalaan ang mga babae na magbigay ng tamang impormasyon. Pero, sa muling pagkabuhay ni Hesus, si Maria Magdalena ang unang nakakita sa libingan na walang laman. Doon inilagay ang patay na katawan ni Jesus pagkababa mula sa krus. Dahil si Maria Magdalena ang unang nakakita sa muling nabuhay na Kristo, natural na siya ang hiniling ni Jesus na sabihin sa mga apostol na pumunta sa Galilea at maghintay sa kanya doon. Nagpapakita ito na pinagkatiwalaan si Hesus ang kredibilidad ni Maria Magdalena. At dahil nagtiwala si Hesus sa kanya, naniwala sa mensahe ni Hesus ang mga apostol na dinala ni Maria. Hindi ito maaaring fake news!

Sa kasalukuyan, kinikilala ng Simbahan si Maria Magdalena bilang apostle to the apostles o “apostol sa mga apostoles.” Matatawag itong women empowerment, na unang ginawa ni Jesu-Kristo mismo. Kasama ng mga apostoles at mga alagad, maraming mga kababaihan ang nagpatotoo kay Jesus gamit ang kanilang feminine genius. Sabi ni Pope John Paul II, ito ang partikular na kakayahan ng mga kababaihan na makipag-kapwa. “ipinagkatiwala sa mga babae ang malalim na pagkasensitibo upang tumugon sa mga pangangailangan ng iba.”

Manalangin tayo: Panginoon, salamat po sa lahat ng mga kababaihang tinawag mong magbahagi ng iyong pagmamahal at ng mabuting balita. Bigyan po ninyo sila ng karunungan na gagabay sa kanila sa araw-araw. Punuin po Ninyo ng kagalakan ang kanilang puso. Alagaan po Ninyo sila habang inaaruga nila ang kanilang pamilya at samahan. Biyayaan po Ninyo sila ng kapahingahan at makita ang bunga ng kanilang pinagpaguran. Amen.