JUAN 10:1-10
Sinabi ni Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, ang hindi dumadaan sa pintuan sa pagpasok sa kulungan ng mga tupa kundi lumulukso sa ibang dako ay magnanakaw at mandarambong. Ang pastol ng mga tupa naman ay pumapasok sa pintuan. Binubuksan siya ng bantay-pinto, at nakikinig ang mga tupa sa kanyang tinig; at tinatawag niya ang kanyang mga tupa sa kanilang ngalan at inilalabas niya sila. Kapag nailabas na niya ang tanang kanya, sa harap nila siya naglalakad at sa kanya sumusunod ang mga tupa, sapagkat kilala nila ang tinig niya. Hinding-hindi sila susunod sa dayuhan, kundi tatakasan nila siya, sapagkat hindi nila kilala ang tinig ng dayuhan.” Ito ang talinhagang sinabi sa kanila ni Jesus. Ngunit hindi nila naintindihan kung ano ang gusto niyang sabihin sa kanila. Kaya sinabi uli ni Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo: Ako ang pintuan ng mga tupa. Magnanakaw lamang at mandarambong ang lahat ng nauna sa akin. Ngunit hindi sila pinakinggan ng mga tupa. Ako ang pintuan; kung may pumapasok sa pamamagitan ko, maliligtas siya at papasok at lalabas, at makatatagpo ng pastulan. Ang magnanakaw ay hindi dumarating kundi para lamang magnakaw, pumaslang at magpahamak. Dumating naman ako upang magkaroon sila ng buhay at lubos na magkaroon nito.”
PAGNINILAY:
Sa pagbasang ating narinig, ginamit ni Jesus ang imahen ng pastol, na karaniwan sa buhay sa Palestina, para ilarawan ang kanyang malapit na kaugnayan sa kanyang bayan at ang kanyang mapagpakasakit na pag-ibig para rito. Ganito rin ang pananalitang ginamit ng mga sumulat ng Biblia upang ipakita ang pag-ibig ng Diyos para saKanyang bayan o sa isang piniling tao. Sa mga Israelitang nagdurusa pagkatapon sa kanila, sinasabi ng Diyos, “Huwag kang matakot pagkat tinubos kita; tinawag kita sa iyong pangalan. Ikaw ay akin!” Ang Panginoon ay katulad ng isang mapagmahal na ina na hindi nakalilimot sa Kanyang anak dahil nakaukit sa kanyang palad ang iyong pangalan. Ganito ipinahahayag sa Matandang Tipan ang malalim na kaugnayan ng Diyos sa kanyang bayan. Katulad ng Ama, si Jesus, bilang Mabuting Pastol, ang tumawag sa atin bilang mga tagasunod Niya. Tinawag Niya tayo sa ating pangalan, at inaakay tayo sa payapang pastulan, sa kaganapan ng buhay. Iniadya Niya tayo sa mga magnanakaw at mandarambong at inilay ang Kanyang buhay para sa ating kaligtasan. Mga kapanalig, ganito rin ang panawagan sa ating ng Panginoon ngayon, anumang tungkulin ang ginagampanan natin sa ating pamilya at sa lipunan – na maging mabubuting taga-akay tayo ng mga taong ipinagkatiwala ng Diyos sa atin.