Daughters of Saint Paul

ABRIL 23, 2021 – BIYERNES SA IKATLONG LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

EBANGHELYO: Jn 6:52-59

Nagtalu-talo ang mga Judio at nagsalita: “Papaano tayo mabibigyan ng taong ito ng karne upang kainin?” Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, kung hindi ninyo kakainin ang laman ng Anak ng Tao at iinumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay sa inyong kalooban. May buhay na walang hanggan ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo at ibabangon ko siya sa huling araw. Sapagkat tunay na pagkain ang aking laman at tunay na inumin ang aking dugo. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa akin at ako naman sa kanya. Sinugo nga ako ng buhay na Ama, gayundin naman dahil sa akin mabubuhay ang kumakain sa akin. Ito ang tinapay na pumanaog mula sa Langit, hindi para kainin at mamatay tulad sa inyong mga ninuno. Mabubuhay naman magpakailanman ang kumakain ng tinapay na ito.” Sinabi ni Jesus ang mga bagay na ito sa sinagoga habang nangangaral siya sa Capernaum.

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Anthony Basa ng Pious Disciples of the Divine Master (PDDM) ang pagninilay sa ebanghelyo. Narinig nyo na ba ang kasabihang, “What you eat, you become…”  Ngayong panahon ng pandemya, naging conscious ang mga tao sa kanilang kinakain.  Maraming diet at food supplements ang iniaalok sa atin lalo na ng social media upang maging malakas ang ating katawan at magkaroon ng panlaban sa virus. Mayroong mga tinatawag na ‘healthy food’ at ‘junk food.’ Ipinaaalala din sa atin ng mga doctor na mag-exercise at lumanghap ng sariwang hangin upang maging malakas. Pero, paano naman ang ating espiritu?  Ano ang kailangan natin upang maging matatag at magkaroon ng panlaban sa depresyon na hatid ng sitwasyon, at panlaban sa kawalan ng pag-asa.  Sinabi ni Hesus sa ating ebanghelyo ngayon na ang kanyang laman ang tunay na pagkain, at ang kanyang dugo ang tunay na inumin, na makapagbibigay hindi lamang ng mahabang buhay, kundi ng buhay na walang hanggan.  Mga kapatid, ang “healthy diet” at mga supplements ng ating espiritu o kaluluwa, ay ang laman ng salita at mga turo ni Kristo, ang sundin ang kanyang mga halimbawa at kalooban.  Ang “healthy exercise” naman ay ang malalim na relasyon o pakikipag-ugnayan sa Panginoon sa pamamagitan ng panalangin, pagninilay, at pakikipagkapwa. Ikaw kapatid, ano ang iyong spiritual diet?