Daughters of Saint Paul

Abril 23, 2025 – Miyerkules sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay

Ebanghelyo:  Lk 24: 13-35

Nang araw ng Linggo, dalawa sa mga alagad ang naglalakad pa-Emmaus na isang nayong mga labinlimang kilometro mula sa Jerusalem. Pinag-uusapan nila ang mga nangyari. Sa kanilang pag-uusap at pagtatalakayan, lumapit si Hesus at nakisabay sa paglakad nila pero parang may kung anong hadlang sa kanilang mga mata at hindi nila siya nakilala. Tinanong niya sila: “Ano ba ang pinag-uusapan ninyo sa daan?” Tumigil silang mukhang malungkot. Sumagot ang isa sa kanila na nagngangalang Cleofas: “Bakit, mukhang ikaw lang ang kaisa-isahan sa Jerusalem na di alam ang mga nangyari roon nitong mga ilang araw?” “Ano?” “Tungkol kay Hesus na taga-Nazaret. Sa paningin ng Diyos at ng buong baya’y isa siyang propetang makapangyarihan sa gawa at salita. Ngunit isinakdal siya ng aming mga punong-pari at mga pinuno para mahatulang mamatay at ipinako siya sa krus. Umaasa pa naman kaming siya ang tutubos sa Israel ngunit ikatlong araw na ngayon mula nang mangyari ang lahat ng ito. “Mga hindi makaunawa at mapupurol ang isip para maniwala sa lahat ng ipinahayag ng mga propeta. Di ba’t kailangang magdusa nang ganito ang Mesiyas bago pumasok sa kanyang luwalhati?” At sinimulan niyang ipaliwanag sa kanila ang lahat ng sinasabi ng Kasulatan tungkol sa kanya, mula kay Moises hanggang sa lahat ng Propeta. Nang malapit na sila sa nayong pupuntahan nila, parang magpapatuloy pa siya ng paglakad. Pero pinilit nila siya: “Manatili kang kasama namin dahil dapithapon na at lumulubog na ang araw.” Kaya pumasok siya at sumama sa kanila. Nang nasa hapag na siyang kasalo nila, kumuha siya ng tinapay, nagpuri at piniraso ito at ibinigay sa kanila. At noo’y nabuksan ang kanilang mga mata at nakilala nila siya, at nawala siya sa kanilang paningin. Nag-usap sila: “Hindi ba’t nag-aalab ang ating puso nang kinakausap niya tayo sa daan at ipinaliliwanag sa atin ang mga Kasulatan?” Noon di’y tumayo sila at nagbalik sa Jerusalem. Nakita nila roon na magkakasama ang Labing-isa at ang iba nilang kasamahan. Sinabi ng mga iyon sa kanila: “Totoo ngang binuhay ang Panginoon at napakita siya kay Simon.” At isinalaysay naman nila ang nangyari sa daan at kung paano nila siya nakilala

Pagninilay:

Ibinahagi po ni Sr. Victorina Quimpan ng Daughters of St. Paul ang ating pagninilay.

Naranasan n’yo na bang magdasal na ginagamit ang imagination? Nagkaroon daw ng pagkakataon si Sr. Victorina na ma-imagine ang ebanghelyong narinig natin ngayon. Isinalaysay ng isang pari ang kwento pagkatapos silang ihanda upang maging relaxed sila na tinatawag na centering prayer, hanggang sa makapasok sila sa kwento.

Sabi ni Sister, “Natagpuan kong naglalakbay ako kasama ang dalawang disipulo. Ramdam ko ang kanilang pagkadismaya at kawalan ng pag-asa. Nang marating namin ang Emmaus, nagulat ako nang pinagpira-piraso ng estranghero ang tinapay at ibinigay sa amin. Noon namin nalaman na si Hesus ang estranghero ngunit bigla siyang nawala. Nagsaya ako kasama ng mga alagad at excited kaming bumalik sa Jerusalem. Pero pagdating namin kung saan nagtitipon ang mga apostol, hindi ako sumamang pumasok sa silid. Sa halip, dumiretso ako sa balcon at blankong tumingin sa malayo.

Pakiramdam ko kasi nag-iisa lang ako at parang buong pagkatao ko ay nabalutan ng kawalan. Nagsimula akong umiyak! Humihikbi pa ako nang maramdaman kong may tao sa likuran ko. Sabi niya: “Bumalik ako para sa iyo.” Paglingon ko, nakita ko si Jesus. Lalo akong naiyak! Hinawakan niya ang mga balikat ko at niyakap ako: “Hindi ba sinabi ko sa iyo na hindi kita iiwan? Kailan man ay hindi ka mag-iisa” Tumingin ako sa kanya at nabulalas ko, “Opo, Panginoon, naniniwala ako!”

“Natutuwa akong marinig iyan mula sa iyo. Sige na, pumasok ka na sa loob. At kasama nila, ikalat mo ang Mabuting Balita na buhay ako!” Tapos nawala siya.

Noon daw natutunan ni Sister na nakakatulong ang imahinasyon, pantasya, at emosyon upang pagyamanin ang buhay panalangin at lumago sa pakikipag-ugnayan sa Diyos.

Binabalikan daw niyang lagi ang karanasang ito lalo na kapag nalulungkot siya, nalilito, at pinanghihinaan ng loob o natatakot. Nagbibigay ito sa kanya ng lakas ng loob at katiyakang magpatuloy sa paglalakbay.

Tunay ngang nabuhay-muli ang Panginoon, Aleluya! Aleluya!