Daughters of Saint Paul

Abril 24, 2017 LUNES sa Ikalawang Linggo ng Pagkabuhay / San Fidelis de Sigmaringen

 

 

Gawa 4:23-31 – Slm 2 – Jn 3:1-8

Jn 3:1-8

May isang kabilang sa mga Pariseo, at pinuno siya ng mga Judio; Nicodemo ang pangalan niya. Isang gabi, pinuntahan niya si Jesus at nakipag-usap sa kanya:  “Rabbi, Guro, alam namin na ikaw ay gurong galing sa Diyos. Sapagkat walang makagagawa ng mga tandang gaya ng ginagawa mo, kung hindi sumasakanya ang Diyos.”

            Sumagot si Jesus sa kanya: “Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo, walang makakakita sa paghahari ng Diyos kung hindi siya isisilang na muli mula sa itaas.”  Sinabi sa kanya ni Nicodemo: “Puwede bang isilang ang tao kung matanda na siya? Makapapasok pa ba siya uli sa sinapupunan ng kanyang ina para isilang?

            Sumagot si Jesus:  “Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo, walang makakapasok sa Kaharian ng Diyos kung hindi siya isinilang mula sa tubig at Espiritu. Ang isinilang mula sa laman ay laman, at ang isinilang mula sa Espiritu ay espiritu. Huwag kayong magtaka dahil sinasabi ko na kailangan ninyong isilang mula sa itaas.

            “Umiihip ang hangin saan man nito ibig, at naririnig mo ang ihip nito, pero hindi mo alam kung saan ito galing at kung san papunta. Gayon nga ang bawat isinilang sa Espiritu.”

PAGNINILAY

Mga kapatid, si Nicodemo isang Pariseo, at alam na alam ng marami kung paanong tinutuligsa si Jesus ng mga taong katulad nila.  Pero ibang uri ng pariseo si Nicodemo.  May mabuti siyang layunin sa ginawa niyang paglapit kay Jesus.  Buong ingat siyang pumunta kay Jesus sa oras at pagkakataong hindi siya makikita ng marami, hindi upang tuligsain si Jesus kundi upang makinig at matuto.  Malayung-malayo ang uri ng kanyang pagkatao sa mga pariseong naghahari ng mga panahong iyon.  Dahil dito iminumulat din sa atin ang katotohanan na hindi pala lahat ng pariseo, masamang uri ng tao.  Kung mayroon mang masama at nagtangka sa buhay ng Panginoon, may mga mabubuti din naman pala.  Sa panahon natin ngayon, masama ang tingin natin sa maraming alagad ng batas dahil sa mga krimen at katiwaliang kinasasangkutan nila.  Marumi rin ang pagkakakilala natin sa mga pulitiko na papalit-palit ng partido, at walang paninindigang ipagtanggol ang dangal ng buhay; ganundin sa mga artistang sangkot sa droga at papalit-palit ng asawa.  Mga kapatid, kung may mabuting pariseo katulad ni Nicodemo, naniniwala ka rin ba na may mga mabubuti din naman sa hanay ng mga pulitiko, artista at anumang samahan o ahensyang nadungisan, dahil sa katiwalian at immoralidad ng ilan sa kanila?  Huwag sanang maging pangkalahatan ang paghusga natin sa pagkakamali ng ating kapwa, at kung paanong binibigyan sila ng Panginoon ng pagkakataong magbago, ganun din sana tayo sa kanila.  Hilingin natin sa Diyos ang biyayang ito.