Daughters of Saint Paul

Abril 24, 2018 Martes sa Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

JUAN 10:22-30

Piyesta ng pagtatalaga sa Jerusalem, at taglamig noon. Palakad-lakad si Jesus sa Templo sa patyo ni Solomon, at pinaligiran siya ng mga Judio at sinabi sa kanya: “Hanggang kailan mo ba kami ibibitin? Kung ikaw ang Kristo, sabihin mo sa amin nang tahasan.” Isinagot sa kanila ni Jesus: “Sinabi ko na inyo pero ayaw ninyong maniwala. Nagpapatotoo sa akin ang mga gawang ginagawa ko sa ngalan ng aking Ama. Subalit hindi kayo naniniwala sapagkat hindi kayo kabilang sa aking mga tupa. “Naririnig ng aking mga tupa ang aking tinig, at nakikilala ko naman sila, at susunod sila sa akin. Buhay na walang hanggan ang ibinibigay ko sa kanila at hinding-hindi sila mapapahamak ni walang aagaw sa kanila mula sa kamay ko. Mas dakila kaysa anuman ang ibinigay sa akin ng aking Ama, at walang makaaagaw mula sa kamay ng Ama. Iisa kami ng aking Ama.”

PAGNINILAY:

Sa Ebanghelyong ating narinig, tila hindi na makapaghintay ang mga Judio sa mga salitang gusto nilang marinig kay Jesus tungkol sa Kanyang sarili.  Mukhang naiinip na sila.  Ang kanilang pagmamadali, isang larawan ng kanilang kawalan ng respeto hindi lang kay Jesus kundi maging sa panahong itinakda ng Diyos para sa lahat ng bagay.  Tila nais nilang sila ang masunod.  Nakalimutan na yata nilang kailanma’y hindi maaring diktahan at madaliin ang Diyos.  Ang lahat ng bagay, nangyayari ayon sa kalooban ng Diyos at sa panahong Kanyang itinakda.  Minsa’y sinabi ni San Agustin:  may panahon para sa lahat ng bagay.  Kailangang kilalanin natin ang panahon ng pagkilos ng Panginoon sa ating buhay upang makita rin natin ang ating papel sa Kanyang planong kaligtasan.  Gaano ba natin iginagalang ang panahong itinakda ng Diyos, maging ang tugon ng Diyos sa ating panalangin?  Minsan inip na inip na tayo, dahil ang tagal namang ibigay ng Diyos ang ating hinihingi.  Minsan din pinagdududahan natin kung totoo ngang may Diyos, dahil tahimik lang Siya, samantalang tayo’y hirap na hirap na.  Sa totoo lang, may mga pagkakataon na tinutugon na ng Diyos ang ating hiling.  At ang tugon Niya’y hindi, pero ayaw natin itong tanggapin, kaya patuloy tayong umaasa.  Minsan naman ang tugon Niya’y maghintay muna, dahil hindi pa ito napapanahon.  At minsan naman, tahasang “Oo” ang Kanyang tugon, kaya nag-uumapaw tayo sa kagalakan.  Mga kapanalig, anuman ang tugon ng Diyos sa ating mga kahilingan, lagi natin itong ipagpapasalamat.  Dahil ‘Oo’ man, ‘hindi’ o ‘maghintay pa’ ang Kanyang tugon, ito’y laging para sa ating kabutihan.